GMA todo suporta kay PBBM
Marami na ang nag-aabang kung magkano ang buwis at taripang makokolekta ng Bureau of Customs (BOC) sa buwan ng Nobyembre, na magtatapos sa Miyerkules.
Maraming interesado na malaman ang magiging total revenue collection ng BOC sa patapos na buwan.
Matatantiya na nila kung magkano talaga ang aabutin ng cash collection ng ahensyang ito na pinamumunuan ni Commissioner Yogi Filemon Ruiz sa taong 2022.
Ayon sa initial records, mula Enero hanggang Nob. 11, 2022 ay umabot na ng P745.50 bilyon ang buwis at taripang nakolekta ng 17 collection districts ng BOC.
Ito ay lampas na ng tumataginting na P22.98 bilyon kumpara sa 2022 target collecion nitong P721.52 bilyon.
Mga P78.98 bilyon na lang ang dapat makolekta ng BOC mula Nobyembre 12 hanggang Disyembre 31 para umabot ng P800 bilyon ang koleksyon nito sa 2022.
Hindi nga tayo magtataka kung aabot ng mahigit P830 bilyon ang total tax collection nina Commissioner Ruiz sa 2022, “ganadong-ganadong” kasi magtrabaho ang mga taga-BOC.
Sino ba naman ang hindi “excited” eh ang administrasyong Ruiz “will go down in BOC history as the record breaker when it comes to revenue collection.
Ito ay sa kabila ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic na hanggang sa ngayon ay nagpapahirap pa sa maraming bansa, kabilang na ang Pilipinas.
“Keep up the good work,” payo ng waterfront observers kina Commissioner Yogi Filemon Ruiz.
****
Sino ba ang mag-aakalang ang mga anak nina yumaong Pangulong Ferdinand E. Marcos (FEM) ng Ilocos Norte at Diosdado Macapagal (DM) ng Pampanga ay magiging “close allies?”
Ang tinutukoy natin ay sina Presidente Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. o PBBM at si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, na mas kilala sa tawag na GMA.
Huwag nating kalimutan na noong 1965 national elections ay tinalo ni Nacionalista Party presidential candidate Marcos ang reeleksyonistang si Pangulong Macapagal ng Liberal Party.
Humakot ng 3,861,324 boto si Apo Marcos samantalang si Cong Dadong eh nakakuha lamang ng 3,187,752 boto.
Sina BBM, na half Ilocano at half Visayan, at GMA, na half Kapampangan at half Ilocano, ay parehong anak ng bar topnotchers.
Ang nanay ni Pangulong BBM ay si dating First Lady Imelda R. Marcos na taga-Tacloban City, samantalang si yumaong Dr. Eva Macaraeg ng Binalonan, Pangasinan ang siyang ina ni GMA.
Marami ang natutuwa dahil kahit political rivals ang kanilang mga ama ay hindi naging balakid ito para sila’y magtulungan.
Sa dami ng ating mga problema, kasama na ang COVID-19, kahirapan, walang tigil na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, at kawalan ng trabaho, ay saludo tayo sa ipinapakita nina PBBM at GMA.
Ang kailangan natin ay “unity in diversity.”
Hindi ba, Vice President Sara Z. Duterte?
****
Mabuti naman at laging umaatend si Pangulong Marcos sa mga international conferences sa labas ng bansa.
Ang pinakahuli dito ay ang ASEAN Summits na ginanap sa Bangkok, Thailand, na kung saan nakausap niya ang iba’t ibang world leaders.
Naipapaliwanag niya ang mga tutuong nangyayari sa Pilipinas para mabago ang tingin ng mundo sa Pilipinas.
Inaasahan ding dadagsa ang mga dayuhang mamumuhunan sa bansa kagaya ng mga ipinangako ng mga foreign investors na nakausap ni Pangulong Marcos.
Malaking tulong ito para mapabilis ang socio-economic development ng Pilipinas na nagsisimula pa lang sa kanyang economic recovery pagkatapos ng dalawang taong lockdown.
Ang kailangan lang ay ayusin natin ang mga problema sa bansa para ma-encourage ang mga dayuhan na mag-negosyo sa Pilipinas.
(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/email: [email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)