Default Thumbnail

Gamefowl farm, tinangayan ng 47 manok panabong

May 18, 2023 Steve A. Gosuico 209 views

LUNGSOD NG SAN JOSE – Isang gamefowl farm ang ninakawan ng dalawang armadong kalalakihan, tangay ang may 47 na manok panabong na tinatayang nagkakahalaga ng P650,000, Martes ng gabi, Mayo 16.

Ninakawan ang nasabing “sabong farm” sa Zone 6, Barangay Kaliwanagan bandang alas-8 ng gabi na pag-aari ng isang 57-anyos na seaman na residente ng San Pedro City, Laguna.

Iniulat ang pangyayari sa pulisya, Miyerkules, Mayo 17, bandang alas-4:30 ng hapon.

Sinabi ni city police head P/Lt. Col. Marlon M. Cudal na ang isa sa mga suspek, isang 52-anyos na driver, residente ng Zone 1, sa kaparehong barangay, ay nasakote sa isinagawang follow-up operations ng kanyang mga tauhan.

Siya ay positibong kinilala ng caretaker ng naturang farm ng manok panabong.

Lumabas sa imbestigasyon na nagpapahinga ang caretaker sa isang nipa hut sa loob ng gamefowl farm nang dumating ang dalawang armadong lalaki at tinutukan ng baril ng isa ang caretaker at pagkatapos ay ginapos ang kanyang kamay at paa.

Pagkatapos nito, tinangay ng mga suspek ang 47 manok panabong at tumakas sakay ng hindi pa natutukoy na sasakyan patungo sa hindi pa malamang direksyon.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.

AUTHOR PROFILE