Default Thumbnail

Fortuner ng ex-US Air Force pilot inabandona ng carnapper

August 17, 2021 Melnie Ragasa-limena 330 views

INABANDONA ng hindi pa nakikilalang lalaki ang kinarnap na sasakyan ng isang pilotong Amerikano at retiradong US Air Force pero tinangay ang malaking halaga na pera na nasa loob ng sasakyan sa Quezon City, nitong nakaraang Linggo.

Isinasailalim ngayon sa forensic examinations ng Quezon City Police District (QCPD) Scene of the Crime Operations (SOCO) ang Toyota Fortuner na may plakang POX 817 na pag-aari ng biktimang si Phillip lowell Leach na inabandona sa kahabaan ng Visayas Avenue nitong Martes (August 17) ng umaga.

Batay sa inisyal na impormasyon ng QCPD Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) at Anti-Carnapping Section (ANCAR), naganap ang insidente noong Linggo, August 15, kung saan dinala umano ng suspek ang dayuhan sa Arboretum Road sa University of the Philippines (UP) at puwersahang kinuha ang sasakyan nito.

Matapos ay iniwanan ang biktima at tinangay ng suspek ang sasakyan nito kung saan ay may nakalagay na malaking halaga ng pera.

Agad namang nagreport ang biktima sa mga awtoridad at nitong Martes ay nakita ang kaniyang Toyota Fortuner na nakaparada sa nasabing lugar, pero nawawala na ang malaking halaga na pera na nasa loob ng sasakyan.

Masusi pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad sa naganap na insidente.