Default Thumbnail

Foreman ginilitan ng obrero

February 3, 2022 Melnie Ragasa-limena 266 views

NASAWI ang 52-anyos na Foreman makaraang saksakin at gilitan sa leeg ng kainumang tauhan nang magkaroon ng mainitang pagtatalo tungkol sa trabaho sa construction site sa Quezon City, nitong Miyerkules ng gabi.

Ang biktima ay nakilalang si Rolando Feliciano Cruz, 52, may asawa, foreman, at residente ng Santa Cruz, Angat Bulacan.

Agad namang tumakas ang suspek na nakilalang si Jerwin Torres, nasa pagitan ng edad 35-40, temporary stay-in sa construction site sa Brgy. E. Rodriguez, Cubao, Quezon City.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 11:08 ng gabi Pebrero 2, nang maganap ang insidente sa construction site sa Barangay E. Rodriguez, Cubao.

Batay sa imbestigasyon ni Pat Nestor V. Ariz Jr. ng CIDU, nasa loob umano ng barracks ang anak ng biktima na si Roland habang nakikipag-inuman ang ama sa suspek.

Makalipas ang ilang minuto ay narinig umano ni Roland na mainitang nakikipagtalo ang kaniyang ama sa suspek tungkol sa kanilang trabaho kaya lumabas ito ng barracks upang umawat.

Pero papalapit pa lamang si Roland nang biglang saksakin ng suspek ang biktima sa kaliwang bahagi ng katawan, at hindi pa nakuntento ay ginilitan pa ito sa leeg at pagkatapos ay itinapon ang ginamit na kutsilyo saka tumakas.

Patuloy pang tinutugis ng mga awtoridad ang suspek upang panagutin sa ginawang krimen.