Default Thumbnail

For sale na rin ang ‘suicide pod’

December 13, 2021 Allan L. Encarnacion 410 views

Allan EncarnacionKUNG anu-ano na ang naiimbento ng tao.

Dati walkman lang, nagkaroon na ng mga maliit na music partner ang tao gaya ng music pod. Iyong mga dating malalaking computer na may malaking monitor at nakahiwalay na keyboard, nakaimbento na rin ng mga laptop at ipad.

Sa Switzerland, may ilalabas na silang bagong technology na tiyak na hindi papatok sa merkado ng mundo—ang “suicide pod.”

Ito iyong klase ng “suicide personal assisted technology” na ginawa para sa mga gusto nang mamatay. Papasok ka sa loob ng parang capsule pod, may pipindutin ka lang na button na maglalabas ng chemical wala pang 10 minutes, pagkagising mo, patay ka na!

May choice ka rin naman, kung hindi ka makahinga, may cancel button, kung naiinip kang madedbol, may speed release din ng chemical. Oh di ba, mas mabilis pa sa internet ang pagkamatay mo?!

Hindi ko lang alam kung may auto-live sa FB ang invention na ito para sa mga gustong ipagyabang ang kanilang pagpapakamatay.

Sabi ng nag-imbento ng suicide pod, kung may right to life, dapat din daw irespeto ang “right to end life.”

Legal pala sa ang suicide sa Switzerland. Karaniwan, ang euthanasia o mercy killing sa kanilang lugar ay nangangailangan pa ng doktor, minsan dalawa pa or may katulong na siyang magtuturok ng kemikal na parang lethal injection. Kaya kailangan daw ng ganitong klase ng suicide pod para hindi na kailangan ng mas maraming manpower dahil ikaw na mismo ang yayari sa sarili mo. Sabi, magpapakatay ka lang, huwag na ka nang-abala!

HIndi ko maisip na kasama sa mga bucket list ng tao ang pagpapakamatay pagdating ng panahon. Una, hindi ito tamang kultura pero sino naman tayo para kuwestiyunin ang mga taga-Switzerland.

Pero ang bottom line, ang “depopulation culture” ay parang walang puwang sa mga sibilisadong lugar, lalo na sa Kristiyanong bansa na tulad natin. Malaki ang suicide rate sa maraming bansa pero dito sa atin ay hindi naman umaabot sa alarming level.

Bamaga’t may nga reported suicide ng mga kabataan dito sa Pililinas, hindi naman ito umaabot sa antas na parang magiging pangkaraniwan.

Sa tingin natin, walang bibili rito ng “suicide pod” na magiging pamoso na sa mga Swiso dahil iba ang tibay ng Pinoy sa maraming aspeto ng buhay. Hindi tayo madaling sumuko at mayroon palagi tayong mga kaibigan at pamilyang masasandigan. Lugi ang negosyo mo rito bata!

Ang buhay ay pinamakagandang regalo sa atin kaya malaking bagay kung ito ay ating iingatan, pahahalagahan at gagamitin para sa pagsusulong ng kabutihan ng bawat isa.

Palagi nating sinasabi rito, anuman ang bigat na ating pinagdaraanan, hindi pa rin tayo dapat mawalan ng pag-asa. Pag-aralan lang natin ang maging mapagpasalamat sa maliit o sa malaki mang biyaya.

Ang pagkakutento lang sa kung anong mayroon ka at kung ano lang ang kaya mo ang tunay magpapasaya sa iyo.

Life is beaufitul, live it, love it.

[email protected]