Estudyante

Estudyante, 17, sugatan sa LRT

February 16, 2024 Melnie Ragasa-limena 329 views

Tumalon o nahulog?

SUGATAN ang isang 17-anyos na estudyante matapos na tumalon umano mula sa platform ng Light Rail Transit line 1 (LRT-1) station sa Quezon City nitong Huwebes ng hapon.

Kasalukuyan pang inoobserbahan sa Quezon City General Hospital ang estudyante ng Electron College of Technical Education at residente ng Barangay Bagong Pagasa, Quezon City.

Sa report ng Quezon City Police District (QCPD) Project 6-Station 15, bandang 2:30 ng hapon ng Pebrero 15 nang maganap ang insidente sa platform bay sa northbound ng FPJ Station ng LRT-1 sa Bgy. Ramon Magsaysay, Quezon City.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PCpl. Paolo Gil S. Niño, nakatanggap ng ulat si Berchman Hidlao, Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) officer na namamahala sa daloy ng trapiko sa EDSA northbound, na isang lalaki ang tumalon umano mula sa platform ng LRT-1 station sa nasabing lugar.

Agad na nagresponde si Hidlao kasama ang mga tanod na sina Jez Diaz at Martinez Victor ng Bgy. Ramon Magsaysay at nang maabutan ang nakahandusay na biktima ay agad itong isinakay sa ambulansiya at dinala sa nasabing ospital.

Patuloy pa ang imbestigasyon kung sadyang tumalon o nahulog lamang ang binatilyo mula sa platform ng nasabing istasyon ng LRT-1.