BOC Masusing iniimbestigahan ng MPD Scene Of Crime Operatives ang Fortuner (NBP 5378) na minamaneho ni Gil Manlapaz, BOC employee, nang pagbabarilin siya ng di pa nakikilalang mga suspek Biyernes ng gabi sa Pedro Gil St., Sta Ana, Manila. Kuha ni JON-JON REYES

Empleyado ng BOC tinambangan, patay

February 12, 2022 Paul M. Gutierrez 403 views

Isa na namang empleyado ng Bureau of Customs (BOC) ang tinambangan at napatay ng hindi nakilalang mga salarin sa Sta. Ana, Maynila Biyernes ng gabi.

Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang biktimang si Gil Manlapaz Jr., 47, Customs IT operator, at huling nakatira sa 2144 Road 15, Fabie Estate, Sta. Ana.

Sa inisyal na ulat ni Lt. Col. Orlando Mirando, commander ng Manila Police District-Police Station 6, pasado alas 8 ng gabi nang bumisita ang biktima sa kanyang ancestral house sa P. Gil St. kanto ng Pasig line sakay ng kaniyang Toyota Fortuner na kulay gray at may plakang NBP 5378.

Nakalipas ang ilang minuto, muling sumakay ang biktima sa kaniyang sasakyan at habang nagmamaneho ay dinikitan siya ng suspek sa driver’s side saka sunud-sunod na pinaputukan.

Naisugod pa ng mga kaibigan at kaanak ang biktima sa Sta. Ana Hospital ngunit idineklarang dead on arrival.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente upang matukoy kung sino ang salarin at ang posibleng motibo sa pananambang.

Maaalala na may tatlong nauna na ring insidente ng pananambang sa mga tauhan ng BOC kung saan si Manlapaz ay pangalawa na sa binawian ng buhay. With Jon-Jon Reyes & C.J. Aliño

AUTHOR PROFILE