Default Thumbnail

Eat Bulaga: Ano ang tunay na isyu?

June 5, 2023 Allan L. Encarnacion 610 views

Allan EncarnacionHENERASYON na lang nila Jose Rizal, Andres Bonifacio at Apolinario Mabini siguro ang hindi nagkaroon ng tiyansang maging parte ng kanilang kabataang ang Eat Bulaga.

Sa loob ng 44 years, buwenas pa rin si former Senator Juan Ponce Enrile kasi mahigit kalahati ng kanyang edad ay pumasok pa sa Eat Bulaga era. Wala namang duda na naging bahagi na ng ating pananghalian ang noontime show nila Tito, Vic at Joey.

Hindi lang sila mula Aparri hanggang Jolo, dahil mula sa ating kusina, pumasok din sila sa ating mga puso. Nakitawa tayo, nakisaya at sa mga ilang pagkakataon ay nakiiyak din sa kanilang mga Holy Week presentation habang nagpapahinga tayo sa kabubungisngis kapag Mahal na Araw.

Mahaba-haba na rin ang Bulagaseryeng ito na naghuhulaan ng mga kasunod na mangyayari matapos ang ugong na magkakapalitan na ng mga host ang palabas ng bayan sa katanghalian. Aminin man natin o hindi, ang Eat Bulaga ay sina Tito, Vic at Joey lang, wala nang iba. Ito iyong copyright na hindi kailangan ng dokumento, hindi kailangan ng Presidential Decree or Legislative intervention. Sapat na ang People’s Proclamation/Affirmation para sabihing ang TVJ lang ang Eat Bulaga, hindi kukulangin dito, hindi rin lalagpas.

Ngayon, habang naghahanap tayo ng kasagutan sa mga isyung nakabalot dito, maganda sigurong tumingin tayo sa mga posibilidad ng kung ano ba ang pinag-ugatan ng “diborsiyo” na ito ng TAPE, Inc at ng TVJ. Sa mga hindi pa nakakaalam, ang TAPE o ang Television and Production Exponents, Inc ay dito nakapaloob ang produksiyon ng Eat Bulaga magmula pa noong 1981. Pero ang Eat Bulaga ay nagsimula noong 1979.

Ang TAPE na pag-aari ng pamilya ni Congressman Romeo Jalosjos ay pinamahalaan naman ni Antonio P. Tuviera bilang katiwala naman ng mga Jalosjos.

Ito ang mga gusto nating magkaroon ng kasagutan kung may katotohanan ba ang mga impormasyon na dumating sa atin para na rin sa kapakinabangan ng bayan na nakabantay sa isyung bahagi na marahil ng ating buhay.

Una, kung TAPE ang producer ng Eat Bulaga, ang magandang itanong ay kung may sarili ba silang mga logistics? Ibig sabihin, pag-aari ba nila ang mga camera, computer setup, production setups, props at ang lahat ng mga kagamitan kasama na ang micropono?

Karaniwan, noong wala pang sariling studio ang Eat Bulaga, nangungupahan sila sa Broadway, sa studio sa ABS-CBN, sa GMA 7 hanggang sa RPN 9 noong araw. Mula sa huling bahay nila sa Broadway, lumipat na ang Eat Bulaga sa APT Studio sa Marikina City. Ang APT Studio ay pag-aari naman ni Antonio P. Tuviera na kasama sa mga founder at producer ng Eat Bulaga.

Dahil sa paglipat ng Eat Bulaga sa APT Studio mula sa Broadway, natural lang na kung umuupa sila sa unang studio, baka ang logical na sagot ay hindi na sila umuupa sa APT Studio. Pero hindi pala, dahil ayon sa ating impormasyon, ang renta ng Eat Bulaga sa APT Studio ay nasa P750,000 kada buwan.

Wala namang mali doon dahil nga umuupa rin naman sila sa mga TV station studios. Ang ibig sabihin lang nito, sa tagal ng Eat Bulaga, wala silang naipundar na sariling studio? Maliban na lamang kung ang arrangement ay sa Eat Bulaga rin napupunta ang renta nila sa APT Studio.

Ang susunod na tanong, iyong logistics nga. Lahat pala ng gamit sa Eat Bulaga production ay nirerentahan lang din. Wala rin namang mali rito dahil ganoon din naman ang kanilang ginagawa sa mga dati nilang studios. Ang balita natin, bawat mic na ginagamit sa show ay nirerentahan ng P3,000 kada araw. Hindi lang naman isa ang gamit nila sa show, ang average siguro nilang ginagamit ay nasa 15 mics kada araw.

Babalik ulit tayo sa original na tanong, bakit sila nagrerenta ng mic? Hindi ba sila nakabili ng sarili nilang gamit sa loob ng 44 years? Kung sa Eat Bulaga or sa TAPE napupunta ang pera, okey din iyon kasi lalabas na “self-liquidating” ang kompanya.

Kung P3,000 ang halaga ng bawa mic, kumusta naman kaya ang renta sa mga ilaw, sa sound system at sa mga camera? SIyempre hindi lang ito tatlong libong piso. Babalik ulit tayo sa tanong, sa Eat Bulaga ba or sa TAPE napupunta ang renta?

Inuulit natin, hindi masama ang pagrerenta ng gamit pero kung ako ang may-ari ng kompanya, bibili na ako ng sarili kong mga logistical requirements para kapag nagrenta ang show, mapupunta ang pera sa mismong kompanya na magagamit mo rin naman sa pagpapaganda at pagpapalaki ng productions or pasahod sa mga empleyado.

Ang isa pang magandang itanong, tama ba ang sistema ng pasuweldo mula sa rank and file hanggang sa mga talents? Iyong malaking talent fee nila TVJ at iba pang kasamahan, wala na tayong magagawa doon kasi parte na talaga ng malaking expenses ng production ang TF nila.

Pero paano kung sa mga opisina, sa management ay may mga sumasahod nang hindi tama ayon sa dapat nilang tanggapin? Magkakaroon ito ng malaking kuwestiyon sa pinansiyal na katayuan ng kompanya.

Tanong, makatarungan ba ang sahod ng P1.3M sa isang empleyado? Maaring yes, maari din namang no.

Lahat naman ng sahod ay depende sa kapasidad ng isang tao at lalong depende sa office division na hinahawakan mo. Iyong P1.3M monthly salary, okey siguro ito kung Chief Executive Officer or Chief Operations Officer. Pero kung lower sa posisyong ito, hindi ko alam kung justified ang ganitong sahod dahil nakakabulaga ito.

Halimbawa naman kung itong P1.3M monthly salary ni Ginoong Tuviera, baka kulang pa nga ito dahil sa laki ng kanyang papel sa kompanya.

Siguro more or less, alam nyo na kung saan ako nanggagaling sa paghimay ng isyu ng pagsabog ng Eat Bulaga. May mga hinihintay lang akong detalye at kung ito ay mapapasaakin sa lalong madaling panahon, isusulat din natin dito para matapos na ang paghuhulaan natin kung saan talaga nag-ugat ang “legal separation” ng taon.

Bukas ang ating pahina saan mang panig mula sa TVJ, sa Tape hanggang sa pamilya Jalosjos kung gusto nyong magbigay ng inputs sa mga natalakay nating isyung ito para sa kaalaman ng ating mga kababayang nagmamahal sa Eat Bulaga.

Marami pang anggulo ang dapat nating tingnan sa kaguluhang ito sa Eat Bulaga at umaasa tayong magkakaroon ito ng happy ending sa pagitan ng mga tao sa likod at sa harap ng camera.

[email protected]