Default Thumbnail

Driver patay dahil hitmen na-wow mali?

April 24, 2024 Melnie Ragasa-limena 130 views

INIIMBESTIGAHAN ng pulisya ang pagkamatay ng isang driver na maaaring biktima ng mistaken identity dahil baka opisyal ng Bureau of Internal Revenue ang tunay na target patayin.

Dead-on-arrival sa East Avenue Medical Center (EAMC) si Arvin Lacuesta, 29, dahil sa limang tama ng baril sa katawan.

Sa report ng Quezon City Police District-Criminal Investigation ang Detection Unit (QCPD-CIDU), nangyari ang insidente dakong alas-5:30 ng hapon sa G. Araneta Avenue corner Bayani St., Brgy. Santol, Quezon City.

Ayon kay PSSg Nido Gevero, minamaneho ni Lacuesta ang puting Fortuner sakay ang officer ng Bureau of Internal Revenue Region VII-A (Quezon City Area) sa San Juan City nang bigla silang harangin ng mga armadong suspek na sakay ng motorsiklo.

Agad na pinaputukan ng mga suspek ang biktima habang mabilis namang nakalabas ng sasakyan ang BIR officer.

Isa sa mga tinitignang anggulo ng pulisya ang mistaken identity.

Inaalam na rin ng pulisya ang kuha ng CCTV sa lugar na maaaring makatulong upang matukoy ang mga suspek.