Default Thumbnail

Disgrasya sa amusement rides, dapat ng matuldukan

January 4, 2023 Edd Reyes 201 views

Edd ReyesPANIBAGONG disgrasya na naman pala ang naganap sa isang amusement ride na nangyari naman sa loob ng itinayong mini-carnival sa bayan ng Morong sa lalawigan ng Rizal.

Mabuti na lang at bukol at pasa lamang ang tinamo ng dalawang batang nahulog sa sinakyang ferris wheel nang kumalas umano ang lock kaya’t nakipag-ayos na lang ang magulang ng dalawang biktima sa operator na sumagot sa gastusin sa pagpapagamot.

Noon lang kasing Nobyembre ng nagdaang taon, grabeng napinsala ang baga ng walong taong gulang na bata nang tumilapon sa sinasakyang ferris wheel sa isang peryahan sa Urdaneta City, Pangasinan habang tatlo rin, kabilang ang 2-taong gulang na bata, ang dinala sa pagamutan nang madiskaril naman ang sinakyang amusement ride sa Masinloc, Zambales.

Paborito kasing tayuan ng amusement park ng mga operators ang mga bayan-bayan sa mga lalawigan, lalu na rito sa lalawigan ng Pangasinan, dahil sabik ang mga bata na sumakay sa mga amusement rides. Ang problema nga lang, wala yatang mga eksperto sa ilang munisipyo na kayang suriin ang mga rides kung ligtas at maayos ang mga ito bago bigyan ng permiso kaya nagkakaroon ng disgrasya.

Pero sa totoo lang, front lang naman ang mga amusement rides dahil mas binibigyang prayoridad ng mga operators ang paglalatag ng mga mesa ng illegal na sugal sa loob ng peryahan na mas malaki ang ganansiya kaya kahit dispalinghado na ang mga rides, ginagamit at inilalagay pa rin nila ito sa mga mini carnival.

Mula kasi ng mangyari ang disgrasya sa isang peryahan sa Urdaneta City, medyo nag-lie low pansamantala ang mga operators pero nang lumamig na ang isyu, ayun, nagbalik muli sila sa operasyon at mas dumami pa nga kabilang ang nasa likod mismo ng Bonus Shopping Center, sa likod ng palengke sa Villasis, na alyas “Budi” at “Rommel” ang operator, sa Urdaneta Highway at sa Salientes St. sa plaza ng bayan ng Umingan na ang mga operator ay sina alyas “Oldak” at “Feliciano”.

Kabilang pa rin sa mga mini-carnival na may illegal na sugal ang bayan ng Natividad at bayan ng Pozorrubio na ang operator ay isang alyas “Maribel”, sa mismong plaza ng San Jacinto at plaza ng Mangaldan na magpinsang “Alvin” at “Rolan” ang nagpapatakbo, habang sa plaza ng bayan ng San Fabian, Binmaley, Aguilar, San Carlos, Mangatarem at Mabini ay kanya-kanya ring paglalagay ng amusement rides at ilegal na sugal sina alyas “Dolor”, “Ibasan”, “Ingineer” “Magat”, “Bebot” at “Joey”.

Sa dami ng mga itinayong mini-carnival sa mga bayan-bayan sa lalawigan ng Pangasinan, baka mahirapan si Provincial Director P/Col. Jeff Fanged na tugisin ang mga ilegalista kaya dapat sigurong humingi siya ng karagdagang tauhan kay Regional Director P/BGen. John Chua para naman ma-impress sa kapulisan si Governor Ramon Guico.

P/Lt. Col. Rosalino “Jhun” Ibay, Jr. pinuri ni MGen. Estomo

GOOD job para kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/MGen. Jonnel Estomo ang mga programa at proyekto ni Manila Police District (MPD) Raxabago Station 1 Commander P/Lt. Col. Rosalino “Jhun” Ibay, hindi lang para sa pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan sa nasasakupang lugar, kundi malasakit din sa mga persons deprived of liberty (PDL).

Hindi na nakapagtataka kung makamit ng Raxabago Police Station ang unang marka o Top 1 sa mga police stations sa Maynila sa dalawang sunod na buwan ng Nobyembre at Disyembre 2022 dahil sa maayos at magandang performance.

Tunay na malasakit din ang ipinamalas ni Col. Ibay sa mga PDL dahil hindi lamang ang mga nakadetine sa pinamumunuan niyang police station ang pinagkalooban nya ng dalawang beses na Pamaskong regalo, kundi pati na ang kanilang pamilya.

Kung sabagay, hindi lang naman si Col. Ibay ang may magandang performance kundi maging ang iba pang station commanders at ito’y dahil na rin sa maayos at makataong pamumuno ni MPD District Director P/BGen. Andre Dizon.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]

AUTHOR PROFILE