Freeze

Derek, ayaw na mag-showbiz

March 16, 2023 Vinia Vivar 250 views

Babu na raw talaga sa showbiz si Derek Ramsay. Ito ang kinumpirma ng kaibigang negosyante ng aktor na si Gerry “Mr. Freeze” Santos sa ginanap na mediacon at contract signing niya para sa bagong show sa AllTV na Negosyo Goals.

Matagal nang matalik na magkaibigan sina Derek at Mr. Freeze at sey ng negosyante, talagang nag-i-enjoy ngayon ang aktor sa pagiging family man kapiling ang misis na si Ellen Adarna.

“Si Derek kasi, actually, siya ngayon, ayaw na niya ng showbiz. Parang naano siya, eh, parang nag-i-enjoy siya ng ganyan. Napagod na raw siya, eh. Endorsement na lang ang tinatanggap niya, eh,” kwento ni Gerry.

Parang nahanap na rin daw kasi ni Derek ang contentment sa buhay ngayong may asawa na ito.

“Kaya kami nagkakasundo nu’n kasi nga, sinasabi niya ‘yung ‘ah pareho tayo, at least, kuntento na,’ ganito-ganito,” aniya.

Pero siya ay hindi pa nagla-lie low sa negosyo.

“Nag-i-expand pa kami. Pero si Derek kasi, as an actor, talagang nag-lie-low siya. Siguro, natagpuan na niya si Ellen, ‘di ba? Madalas yata, naliligo na lang sila, eh, hahaha!” biro ni Mr. Freeze sabay-tawa.

“Siguro nakatagpo siya ng ganu’n na… vibes sila, eh,” dagdag pa niyang tsika.

Sa kasal nina Derek and Ellen ay siya pa ang tumayong best man at sobrang happy siya para sa kaibigan at masaya rin ang mag-asawa para sa kanya sa bagong mundong pinasok niya, which is television.

Si Mr. Freeze ang host ng bagong programa sa AllTV na Negosyo Goals na naglalayong magbigay sa manonood and aspiring entrepreneurs ng mga insight kung paano magsimula ng sariling negosyo.

Akmang-akma naman si Gerry to host the show dahil na rin sa kanyang 40 years of business experience sa kanyang negosyong purified tube ice na naging dahilan din para tagurian siyang “Mr. Freeze.”

“It is an honor for us to be part of AllTV which shares the same vision of empowering aspiring Filipino entrepreneurs,” pahayag niya.

Present din sa contract-signing ang mga producer ng show na sina Ivy Ataya, CEO of Makers Mind Production, at Joyce Selga.

Positibo naman ang AllTV president na si Maribeth Tolentino sa bagong partnership nila sa Makers Mind Production.

Mapapanood ang Negosyo Goals every Sunday, 11:30 a.m., simula March 19.

AUTHOR PROFILE