Gatchalian

Degree for sale sa Cagayan paiimbestigahan ni Sen. Win

April 25, 2024 PS Jun M. Sarmiento 58 views

MAGHAHAIN si Sen. Win Gatchalian ng resolusyon para imbestigahan ng Senado kung totoo ang tsismis na nagbabayad ng hanggang P2 milyon ang ilang mga dayuhang mag-aaral sa Cagayan Valley para sa iba’t-ibang degrees.

Matatandaang hinimok ni Gatchalian ang Commission on Higher Education (CHED) na imbestigahan ang mga naturang ulat.

Unang ibinahagi ni Dr. Chester Cabalza, propesor sa University of the Philippines at founding president ng Development and Security Cooperation, ang mga naturang ulat na mula sa mga lokal na mamamayan, kabilang ang mga propesor sa lugar.

Hinimok na rin ng CHED si Cabalza na maghain ng reklamo bago magsimula ang Komisyon ng pormal na imbestigasyon. Tiniyak ng Komisyon na magkakaroon ng due process para sa lahat.

Inaasahan ni Gatchalian na lalahok si Cabalza sa pagdinig ng Senado para magbahagi ng natanggap niyang impormasyon, kabilang ang mga ulat na hindi pumapasok ang mga mag-aaral.

Nababahala rin si Cabalza na nagiging milking cow ang mga degree na ayon sa CHED isang seryosong alegasyon.

“Bagama’t sinusuportahan natin ang internationalization sa ating mga kolehiyo at pamantasan, pati na rin ang pagpasok ng mga mag-aaral mula sa ibang bansa, mahalagang protektahan natin ang integridad ng ating sistema ng edukasyon,” ani Gatchalian.

Tiniyak din ng CHED na sumusunod ang mga kolehiyo at pamantasan sa mga batas at regulasyon ng Pilipinas.