Default Thumbnail

Dedo dahil sa tong its

January 23, 2023 Melnie Ragasa-limena 206 views

NASAWI ang isang lalaki ng saksakin umano ng kaniyang kalaro sa “tong its” matapos na ‘di magbayad sa Quezon City, Linggo ng gabi.

Ang biktima ay nakilalang si Jerry Orosco Moscosa, 46, may asawa, tubong Samar at residente ng No 167, Bansalangin St., Brgy. Payatas-B, Quezon City.

Kinilala ang suspek na si Aristoto Pajantoy Chua, alias “Dok”, 66, may asawa, vendor, tubong Samar, at nakatira sa 003, Bansalangin St., Brgy. Payatas-B, C.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (QCPD), bandang 7 P.M. (January 22), nang maganap ang insidente sa tapat ng bahay ng suspek.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PCpl Nestor Ariz Jr ng CIDU, nakikipag-inuman umano ang biktima sa kaniyang kaibigan na nakilalang si Genita Montallana nang dumating ang suspek na armado ng patalim.

Doon ay walang sabi-sabing pinagsasaksak ng suspek ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan na agaran nitong ikinamatay.

Matapos ang pananaksak ay agad na tumakas ang suspek dala ang patalim na ginamit sa pamamaslang.

Nabatid na bago naganap ang krimen, nakitang naglalaro umano ng “tong-its” ang biktima at ang suspek.

Nang matalo umano ang biktima ay hindi nito binayaran ang suspek na posibleng dahilan ng nangyaring krimen.

Patuloy pang tinutugis ng mga awtoridad ang nakatakas na suspek.