Default Thumbnail

Dayo nanggulo bagsak sa preso

April 24, 2024 Edd Reyes 55 views

DUMAYO para umanomanggulo at maghamon ng away ang 19-anyos na siga ng Tondo habang armado ng baril Martes ng gabi sa Caloocan City.

Maging ang mga tauhan ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta ay sinigawan at inangasan ng suspek na si alyas “Cristobal,” residente ng Juan Luna St., Brgy. 9, Tondo, Manila na dahilan upang puwersahan siyang dakpin nina P/Cpl. Joel Taboga at P/Cpl. Andy Cruz ng Police Sub-Station-6 na nagresponde sa lugar.

Sa ulat ng tanggapan ni Col. Lacuesta, dakong alas-8:30 ng gabi nang humingi ng tulong sa pulisya ang mga residente ng Rivera Bukid, Brgy. 163, Sta Quiteria matapos magwala, maghamon at magsisigaw ang suspek habang nagwawasiwas ng baril sa hindi pa matukoy na dahilan.

Ayon kay Col. Lacuesta, nakuha ng kanyang mga tauhan sa suspek ang gamit na kalibre .38 revolver na may limang bala sa chamber na gamit niya sa pananakot at paghahamon ng away.

Nakatakdang iprisinta sa Caloocan City Prosecutor’s Office si alyas Cristobal para sumailalim sa inquest proceedings kaugnay sa kakaharapin niyang mga kasong alarm and scandal at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Act.

AUTHOR PROFILE