PGH Source: FB

Upgrade ng PGH itinutulak

April 23, 2024 PS Jun M. Sarmiento 83 views

ISINUSULONG ni Senador Jose Jinggoy Ejercito Estrada ang pag-upgrade ng mga serbisyo at pasilidad ng Philippine General Hospital (PGH), ang premiere government-run hospital ng bansa.

“Bilang pinakamalaking pampublikong ospital sa bansa at tanging national referral center para sa tertiary cases, dapat nating tiyakin ang pagbibigay ng PGH ng mataas na kalidad na serbisyong medikal at pangkalusugan. Ang mga nangyaring sunog sa PGH kamakailan ay nagpakita sa atin ng kalunos-lunos na kalagayan nito. Katulad ng libo-libong kababayan natin na umaasa sa serbisyo ng PGH, na karamihan ay mga indigent patients, nangangailangan na rin ang PGH ng agarang atensyon ng Kongreso at pamahalaan,” ani Estrada.

Layon ng inihaing SB 2634 ni Estrada na dagdagan ang kasalukuyang 1,500 bed capacity ng PGH at gawin itong 2,200 beds para mas maraming pasyente ang mapaglingkuran.

Alinsabay nito ay ang panukala ni Estrada ng karagdagang mga doktor, nurses at iba pang support personnel para matugunan ang pangangailangan ng mas madaming pasyente ng ospital.

Sa loob ng ilang dekada na, laging lampas sa kapasidad ng premiere medical center ang bilang ng mga pasyente nito, at kadalasang problema ang siksikan at mahabang pila ng mga pasyenteng naghihintay na mabigyan ng atensyon ng ospital, sabi ni Estrada.

Batay sa datos na nakalap ng opisina ni Estrada, nasa mahigit 600,000 ang pasyenteng tinatanggap ng PGH kada taon.

Upang matugunan ang mga hamong ito, iginiit ni Estrada na mahalagang maipasa ang kanyang panukalang batas.

“Mahalaga ang pag-invest sa kalusugan upang magkaroon ang ordinaryong Pilipino ng mas malawak na access sa world-class at abot-kayang tertiary hospital care,” ani Estrada.

Kasama rin sa SB 2634 ang pagtukoy ng kinakailangang pondo sa taunang national budget para maipatupad ang mga panukalang hakbang.

Inaatasan din ng bill ang direktor ng PGH na makipag-ugnayan sa Department of Budget and Management (DBM) at Civil Service Commission (CSC) para sa mga bagong posisyon kaugnay sa pagkuha ng karagdagang hospital staff.