Darren

Darren at Jillian tinukso sa isa’t isa matapos ang segment sa ‘It’s Showtime’

April 7, 2024 Eugene E. Asis 159 views

SA KaraoKids segment ng ‘It’s Showtime’ sa unang pagtatanghal nito sa GMA7 noong Sabado kung saan pinaghalo ang Kapamilya at Kapuso stars, ipinareha si Darren Espanto kay Jillian Ward.

Puring puri ng hosts na sina Vice Ganda, MC, at Lassy si Jiliian, na anila’y mukhang manika. At biglang napansin ng tatlo ang instant chemistry nina Darren at Jillian.

Bigla, nagtanong si Vice: “May boyfriend ka, Jillian?”

“Wala po,” ayon sa bida ng hit TV series na “Abot Kamay na Pangarap.”

Kaagad bumaling si Vice kay Darren: “May girlfriend ka ba, Darren?”

“Wala,” sagot ni Darren na nakangiti, na kaagad sinundan ng mga panunukso ng lahat.

Kung matatandaan, nali-link si Darren kay Cassy Legaspi na nakapareha niya sa Metro Manila Film Festival movie na ‘When I Met You in Tokyo.’

Bagama’t walang pag-amin, naging maganda na ang kanilang relasyon. Magkasama silang um-attend ng GMA Gala at ng ABS-CBN Ball, at nagkasama na sila sa ilang biyahe sa ibang bansa tulad ng Japan at Amerika.

Umamin din si Darren na nagsi-sleep over siya minsan sa bahay ni Cassy. Samantala, si Jillian naman ay may project na ginagawa kasama si Ken Chan at mina-match ang dalawa.

Maiba kaya ang kuwento sa pagitan ng Kapamilya actor-singer at ng Kapamilya actress-singer? Abangan.

AUTHOR PROFILE