Default Thumbnail

‘Courier’ ng gun-running syndicate, tiklo sa checkpoint

May 5, 2023 Zaida I. Delos Reyes 200 views

ARESTADO ang sinasabing “courier” umano ng gun-running syndicate makaraang makumpiskahan ng matataas na kalibre at iba’t-ibang parte ng baril sa checkpoint na inilatag ng militar nitong Huwebes sa Libungan, Cotabato.

Gayunman, hindi pa pinangangalanan ang naarestong suspek.

Sa ulat ng Philippine Army’s ()PA 6th Infantry Division (ID), naharang ang kulay silver na Toyota Vios na minamaneho ng suspek sa checkpoint ng pulis at militar sa Grebona Patrol Base saa Libungan Cotabato.

Nakuha mula sa sasakyan ang sampung M16 rifles, sampung lower receiver group ng R4 rifles, limang barrels ng 4.56 mm rifles, anim na piraso ng handguard cover ng M16 rifles, at dalawang handheld radios.

Ayon kay 34th Infantry Battalion (IB) commanding officer Colonel Rey Rico, patungo sana ang suspect sa Cotabato City mula Maynila nang maharang ng mga awtoridad.

Sinabi ni Brig. Gen. Donald Guimiran, commander ng 692nd IB, na ang suspek ay courier diumano ng isang sindikato na nagbebenta ng mga iligal na baril sa mga Private Armed Groups (PAGs) at iba pang armadong grupo sa Cotabato, Maguindanao del Sur, at Maguindanao del Norte.