Default Thumbnail

Chinese nat’l tinangkang sunugin ‘kulungan’ sa POGO

April 8, 2024 Alfred P. Dalizon 108 views

ISANG Chinese national na hinuli kaugnay ng raid sa isang Philippine offshore gaming operation (POGO) firm sa Bamban, Tarlac na sinasabing sangkot sa iligal na aktibidades noong Marso 13 ang tinangkang sunugin ang kuwarto na kanyang pinagkukulungan sa Pasay City noong nakaraang Biyernes.

Sinabi ni Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Executive Director, Undersecretary Gilbert DC Cruz, malamang na lumaki ang apoy at malamon ang isang establisimiyento sa Pasay City na ginawa nilang pansamantalang kulungan ng mga nadakip sa Bamban raid kung hindi ito agad naagapan ng mga bantay na pulis.

Ayon kay Cruz, ilang Chinese nationals na pansamantalang nakapiit sa Room 6403 ng Smart Web Technology sa Pasay City ang nagreklamo na may makapal na usok na lumalabas sa ilalim ng pintuan ng kalapit na Room 6404 bandang alas-3 ng umaga noong nakalipas na Biyernes.

Dagliang rumesponde ang mga pulis at iba pang security personnel na nagbabantay sa lugar at ganap nilang naapula ang apoy na nagmumula sa isang makapal na cardboard na sinadyang sunugin ng suspek na kinilalang si Lu Guo.

Sa kanyang ulat kay PAOCC Chairman at Executive Secretary Lucas P. Bersamin, sinabi ni Cruz na nagsabi ang lahat ng dayuhan na nakapiit sa Room 6404 na si Lu Guo ang “sole culprit” sa tangkang panununog.

Pormal na inabisuhan ng PAOCC ang Chinese Embassy hinggil sa naturang insidente, habang ang Pasay City Fire Marshall ay iniimbestigahan ang insidente bago kasuhan ng attempted arson ang akusado.

Ang Smart Web Technology Corporation sa Pasay City ay ipinasarado ng gobyerno dahil sa isang PAOCC-led operation noong Oktubre 27 ng nakaraang taon. Ni-raid ng mga otoridad ang naturang internet gaming license hub na inakusahang involved sa human trafficking at iba pang illegal online activities kagaya noong sa Bamban, Tarlac.

Nadiskubre sa loob ng Pasay City gaming hub ang isang “aquarium” viewing chamber kung saan pitong babae na sinasabing involved sa prostitution ang na-rescue.

Ang naturang kumpanya ay inakusahan din ng PAOCC ng involvement sa sex and human trafficking at online crypto investment at love scams.

Ang PAOCC ay nagdesisyon na dalhin ang 208 undocumented foreigners na nahuli sa Bamban sa Pasay compound dahil sa kawalan ng mapagdadalhan sa kanila ng Bureau of Immigration (BI).

Kabilang sa kanila ang 204 Chinese nationals kung saan anim ay napag-alamang wanted sa iba-ibang kaso sa Mainland China. Ang iba pa na nahuli sa Tarlac ay galing sa Malaysia, Vietnam, Rwanda, Kyrgistan at Indonesia.

Pinangalanan ni Cruz ang anim na Chinese fugitives na sina Wang Tao, 49; Cao Junpeng, 34; Jiang Ling, 33; Zhou Binbin, 34; Wang Dechao, 36; at Shi Xiangling, 27.

Sina Wang at Xiangling ay wanted sa fraud habang si Jung ay wanted for “creating disturbance in China.” Si Ling ay wanted for “aiding information network criminal activities” habang si Binbin ay wanted dahil sa pagpapatakbo ng isang bahay-sugalan.

Si Dechao ay wanted dahil sa iligal na pagtawid sa Chinese border.

Sinabi ni Cruz na ang agad na pagpapa-deport sa mga nahuling dayuhan ay kanilang sinasangguni sa BI.

Ang anim ay kabilang sa mga undocumented aliens na nahuli sa Bamban compound kung saan 36 na gusali ang hinalughog ng mga otoridad.

Ang pinasaradong Zun Yuan Technology Inc. ay nasa Sitio Pagasa, Barangay Anupul sa munisipalidad ng Bamban, kung saan ang mga empleyadong dayuhan ay sinasabing nanloloko ng mga target mula sa iba’t ibang bansa.

AUTHOR PROFILE