Default Thumbnail

‘Chikiting Bakunation’ isasagawa sa Maynila

May 27, 2022 Edd Reyes 258 views

MAGSASAGAWA ng dalawang linggong libreng pagbabakuna sa mga sanggol o ang “Chikiting Bakunation Days” ang Manila Health Department (MHD) para sa mga batang may edad ng 23 buwan pababa upang maging ligtas at protektado sila sa nakamamatay na sakit.

Sa abiso ng Manila Health Department o MHD, ang libreng “routine and catch-up immunization” sa Maynila ay sisimulan sa Mayo 30 at magtatagal hanggang Hunyo 10 ng kasalukuyang taon.

Sinabi ni MHD Director Dr. Arnold “Poks” Pangan na magkakaroon din ng door-to-door immunization para sa mga sanggol upang ilapit sa tahanan ng kanilang mga magulang ang libreng programa ng Lungsod ng Maynila.

Ayon sa MHD, ngayong patuloy pa rin ang pandemiyang dulot ng COVID-19, hinihimok nila ang publiko na makilahok sa programang libreng bakuna sa mga “Chikiting” o mga bata – na magiging depensa ng mga sanggol sa mga mapanganib na sakit tulad ng polio, tigdas, rubella at iba pa.

Ang pamahalaang Lungsod ng Maynila, sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Isko Moreno Domagoso, ay lagi ng nakabantay para mapigilan ang pagkalat ng mga nakamamatay na sakit na karaniwang dumadapo sa mga sanggol na karaniwang nagdudulot ng pagkaparalisa o tuluyang pagkamatay.

Mapipigilan lamang ito sa pamamagitan ng inilunsad na Chikiting Bakunation program kaya’t patuloy ang panawagan ng MHD sa mga magulang na pabakunahan na ang kanilang mga sanggol.

Mahalaga rin ayon sa MHD ang kalinisan sa bawat lugar, lalo na sa mga kabahayan, upang masugpo ang pagkalat ng mapanganib na sakit habang iginigiit ng lokal na kagawaran ang kahalagahan ng pagbabakuna para sa kaligtasan ng mga sanggol.

Ayon sa mga eksperto, ang kumpletong bakuna sa mga bata ay mahalaga upang malayo sila sa mga sakit partikular ang tigdas hangin kung saan kabilang sa mga sintomas ang pagkakaroon ng lagnat, pamamantal, sakit ng ulo at buong katawan, at panlalamig ng laman.

Sa kabila ng naturang mga panganib, marami pa ring mga sanggol ang hindi nakakakumpleto ng bakuna na nagiging dahilan ng paglaganap ng karamdaman sa buong bansa.

Ipinaalala pa ng MHD na noon ay marami ang mga batang napaparalisa dahil sa pagtama ng polio kung saan dumadaan ang virus sa mga isinusubo nilang maruruming pagkain at iniinom na tubig.

Ang mga sanggol na hindi pa kumpleto ang bakuna bunga ng pandemiya ng COVID-19, ayon pa sa MHD, ay laging nakaamba sa panganib na magkaroon ng nakamamatay na sakit bagama’t mapipigilan ito sa pamamagitan ng pagbabakuna. Nina Edd Reyes at Jon-jon Reyes

AUTHOR PROFILE