Salceda

CHED pinarangalan si Salceda bilang ‘Father of Free College Tuition law’

May 9, 2021 People's Tonight 1133 views

PINARANGALAN ng Commission on Higher Education (CHED) si Albay Rep. Joey Sarte Salceda ng ‘Father of Free Tuition in College award’ bilang natatanging pagkilala sa pagkakalikha niya sa batas na Universal Access to Quality Tertiary Education (UAQTE), na nagbibigay ng libreng tuwisyon sa mga estudiyante sa kolehiyo.

Iginawad kay Salceda ang parangal ni CHED Chairman Prospero ‘Popoy’ de Vera at Commissioner Aldrin Darilag, kasama si Atty. Ryan Estevez, executive director ng ‘Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education’ sa katatapos na Gawad Parangal ng CHED para sa mga ‘Local Universities and Colleges (LUCs)’ sa Bikol na ginanap sa Legazpi City kamakailan.

Inakda ni Salceda ang UAQTE at nilagdaan ito ni President Rodrigo Duterte bilang RA 10931 noong 2017. Sa ilalim nito libre ang tuwisyon ng estudiyante sa mga ‘state universities and colleges’ (SUC) at LUC ng mga pamahalaang lokal, at sa mga kursong ‘technical-vocational’ ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at mga kabalikat nitong sanayan o institusyon.

Tuwiran din ang mga benipisyo nito sa mga pamilyang ang mga anak ay maaaring hindi makapasok sa mga SUC at LUC, sa pamamagitan ng ayudang pautang na tuwisyon para makapasok sa mga pribadong paaralan. Babayaran lamang ang naturang pautang kapag nakatapos na sila sa pag-aaral, nakapagtrabaho, at umabot na sa ‘minimum annual gross income’ o “compulsory repayment threshold” ang kanilang taunang kita.

Sa kanyang talumpati sa ginanap na parangal, inamuki ni Salceda, na siyang chairman ng House Ways and Means Committee, ang CHED at TESDA na magtulungan para makalikha ng “skills-based workforce” na handa sa mga “career opportunities” sa ilalim ng nagaganap na ‘Fourth Industrial Revolution.’

Ayon kay Salceda, sadyang mahalaga ang ambag ng libreng tuwisyon, ngunit patuloy ang mga pagbabago sa edukasyon kaya nagbabago rin ang pananaw niya kaugnay nito. Bagama’t mahalaga pa rin ang diploma sa paghanap ng trabaho, nangangailangan ng natatanging kahusayan ang nagaganap na ‘Fourth Industrial Revolution’ kung saan higit na maselan ang ‘globalized at hyper technologized economy’ nito, dagdag niya.

Ipinanukala niyang dapat ituro din sa kolehiyo ang mga aralin ng TESDA na may kaugnayan sa kursong kinukuha mga estudiyante upang magkaroon sila hindi lamang ng diploma kundi pati na sertipikasyon ng TESDA kapag sila nagtapos. “Sadyang kailangan ang pagtutulungan ng CHED at TESDA, lalo na sa mga LUC o ‘community colleges’ kung saan ang mga nagtatapos ay totohanang nangangailangan talaga ng trabaho at ‘dagdag na kaalaman,’” giit niya.

Hiniling ni Salceda sa CHED at TESDA na mag-usap at sasama siya upang talakayin nila ang mga isyung nabanggit niya. “Naniniwala akong may mga kurso sa kolehiyong dapat magkaroon ng ‘TESDA Certification, dahil kailangan na ito sa mundo ng trabaho. Sa totoo, mahalaga ring magkaroon ng ‘TESDA certification’ ang isang ‘Electrucal Engineering student’ bilang ‘electrician’ dahil hindi na lang diploma ang kailangan kundi kahusayan din. Makatutulong dito ang CHED,” paliwanag niya.

Sa ilalim ng UAQTE, lalong dumami ang mga nakapagtatapos sa kolehiyo na tumaas na ngayon sa taunang 23.45% ng mga nag-aaral kumpara sa 16.24% bago umiral ang batas. Lalong dumami rin ang bilang ng mga LUC na nasa 121 na ngayon kumpara sa 107 bago ang batas sa libreng tuwisyon. Sa Albay lamang, may siyam na nito na pinakamarami sa lahat ng lalawigan sa bansa. Ang UAQTE ay batay sa programang ‘Free Tertiary Education’ ng Albay na pinasimulan ni Salceda nang magsilbi siyang siyam na taong gubernador ng lalawigan hanggang 2016.

Sa kanyang mga ‘briefings’ bilang pangunahing may-akda ng bagong batas na ‘Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act,’ binanggit ni Salceda na karaniwang reklamo ng mga kumpanyang BPO na ‘samantalang mahuhusay magbasa, magsulat at magsalita ng Ingles ang mga ‘Filipino college graduates,’ hirap sila sa pagtugon sa problema ng mga kliyente, dahil kulang sila sa “dagdag na kaalaman.”

“Dahil dito, dagdag na gumagasta rin ang mga BPO sa karagdagang pagsasanay sa kanila, at kahit marami ang mga walang trabaho, hirap pa rin ang mga BPO na punuan ang kakulangan nila sa mga mangagawa. Ito ang situwasyon ngayon ng Pilipinas sa kasalukuyang ‘globalized, competitive world economy’ na pinakikilos ng dagdag na kahusayan. Hindi na sapat ang ipinagyayabang nating murang bayad sa mga manggagawa,” madiing paliwanag ni Salceda.

“Kinukumbida ko ang CHED at TESDA na mag-usap at magtulungan tayo. Hindi kailangang magsolo kayo. Sama-sama, matitiyak nating ang mga diplomang bunga ng UAQTE ay suportado ng mahalagang dagdag na kaalaman at kahusayan. Mawawala pa ang karaniwang puna na ‘TESDA gradweyt lang iyan’ at dapat maging bahagi na ang TESDA sa ‘college system’ natin,” dagdag ng mambabatas.

AUTHOR PROFILE