Default Thumbnail

Call center agent natusta ng buhay

April 13, 2023 Edd Reyes 230 views

NATUSTA ng buhay ang 22-anyos na call center agent matapos ma-trap sa loob ng nasusunog nilang tirahan Miyerkules ng hapon sa Bayan ng Pateros.

Nakuha ng mga kagawad ng Pateros Bureau of Fire Protection (BFP) ang sunog na sunog na bangkay ng biktima sa second floor ng tatlong palapag na tirahan ng pamilya na gawa lamang sa kahoy na nadadaganan na ng nasunog na bubong na yero.

Sa imbestigasyon ni Pateros BFP Arson investigator FO1 Junnard Paul Cate, natutulog ang biktima sa ikatlong palapag nilang tirahan sa Bgy. Sta. Ana Kaliwa nang sumiklab ang sunog dakong alas-5:54 ng hapon.

Dahil yari sa kahoy, mabilis na kumalat ang apoy na itinaas lamang sa unang alarma bago tuluyang naapula ng dakong alas-7:06 ng gabi.

Ayon sa lola ng biktima, narinig pa niya ang sigaw ng kanyang apo kaya’t tinangka pa niyang umakyat upang iligtas ang biktima subalit sa tindi ng siklab ng apoy, napilitan na lang siyang lumabas muli ng bahay.

Wala sa bahay at nangongolekta ng mapapakinabanang basura ang ama ng nasawi kaya’t huli na nang malaman niyang nasusunog na ang kanilang tirahan.

Inihayag ng lola ng biktima na matagal na silang walang supply ng kuryente at hindi rin aniya sila gumagamit na kandila o gasera kaya’t hindi niya alam kung ano ang pinagmulan ng pagsiklab ng apoy.

Dagdag pa ng matandang kaanak ng biktima, ang namatay niyang apo lamang ang nakakatulong ng malaki para sila mabuhay dahil hindi aniya kasya ang P300 kita ng ama nito sa pangangalakal ng basura para sila mabuhay, kasama ang dalawa pang apo.

Nagsasagawa pa ng pagsisiyasat ang Pateros BFP upang alamin ang pinagmulan ng apoy na tumupok sa tinatayang halagang P60,000 ari-arian habang dalawa pang katabing bahay ang bahagya ring nasunog.

AUTHOR PROFILE