Default Thumbnail

Bus vs police car sa EDSA busway, 5 duguan

December 28, 2023 Melnie Ragasa-limena 180 views

LIMANG pasahero ang nasugatan matapos maaksidente ang bus na umiwas sa police car na biglang pumasok sa EDSA busway noong Miyerkules.

Agad na dinala ang mga pasahero sa Labor Hospital matapos magtamo ng mga sugat, gasgas at mga pasa sa katawan.

Sa CCTV footage, binaybay ng bus ang EDSA busway nang biglang sumulpot ang sasakyan ng pulis na pumasok sa busway at muntik nang mabangga ang bus.

Iniwasan ng bus ang police car at tumama sa bakod ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) sa southbound ng Santolan station.

Kakasuhan ng reckless driving ang pulis na nagmamaneho ng police mobile na sangkot sa insidente.

“Kausap na po namin yung district director ng Quezon City Police Distric at kakasuhan po yung pulis natin ng reckless driving dahil sa nangyaring insidente kung saan pumasok nga po siya doon sa bus carousel lane,” sabi ni P/Col. Jean Fajardo, tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP).

Dagdag niya, ni-relieve na sa pwesto ang pulis na nakatalaga sa National Police Training Institute at inihahanda na rin ang kasong administratibo laban sa kanya.

“Nakausap na rin po natin mam yung director ng National Police Training Institue at pini-prepare na rin po nila yung pagsampa ng administrative case laban po dito sa pulis na may hawak po at nagda-drive po ng PNP vehicle,” ayon kay Fajardo.

Ayon sa Quezon City police Traffic Sector 4, nagka-areglo ang mga pasahero at bus operator sa insidente at nangako ang kumpanya ng bus na sasagutin ang medical bills ng mga nasugatan.