Bong Go

Bong Go tutulong kay PBBM, sa mahihirap

June 7, 2022 People's Journal 427 views

Bong GoBong Go

KASAMA ni Senator Christopher “Bong” Go sina Senator Imee Marcos at Davao City Vice Mayor at Mayor-elect Sebastian “Baste” Duterte sa pagpapasalamat sa mga taga-Davao sa labis na suportang ibinigay nila kay President-elect Ferdinand “Bong Bong” Marcos Jr. at Vice President-elect Sara “Inday” Duterte.

Noong Linggo, nag-organisa si Senator Marcos at ang kanyang grupo ng isang thanksgiving event sa Barangay Buhangin Proper at Gov. Vicente Duterte, Davao City upang ipakita ang kanilang pagpapahalaga sa mga Davaoeño sa pagtitiwala sa Marcos-Duterte tandem sa katatapos na halalan.

Sa kanyang maikling talumpati, ipinahayag ni Go ang kanyang pasasalamat sa walang katapusang suporta ng kanyang mga kapwa Davaoeño sa pamilya Duterte sa mga nakaraang taon. Nangako siya na patuloy niyang ibibigay ang kinakailangang serbisyo sa sambayanang Pilipino.

Nagpahayag din ang senador ng kanyang pag-asa na magagampanan ng mga bagong halal na opisyal ang kanilang tungkulin nang mahusay at matagumpay para sa ikabubuti ng bansa.

“Huwag niyo akong itrato na senador, itrato niyo lang ako na kapitbahay ninyo. Itong (pasasalamat)— ay kay Sen. Imee. Si Sen.Imee na aking kasama, classmate kami sa Senado. Sabay kaming napili sa 18th Congress at sabay rin kaming matatapos. Nandito siya para magpasalamat sa inyo, nagpapasalamat kami sa inyo sa tulong ninyo kay Presidente Marcos at Vice President Sara na sobrang panalo dito,” ayon kay Go.

Sinabi ni Senator Go na kumpiyansa siyang maipagpapatuloy ng susunod na administrasyon ang mga positibong pagbabago at mas mapapabuti pa ang mga kasalukuyang programa at reporma na sinimulan ni Pangulong Rodrigo Duterte upang mabigyan ng komportableng buhay ang mga Pilipino.

Ipinahayag din ng mambabatas na kasama si Senator Marcos at iba pa sa Senado, magsisikap silang maiangat ang buhay ng mas maraming Pilipinong nangangailangan, partikular ang mga apektado ng COVID-19 pandemic.

“Itong si Ma’am Imee ang isa sa mga pinakamalaking. Ibig sabihin, grabe talaga magtrabaho sa Senado. Makikita mo na walang absent, maaga pa lang makikita mo na nandoon na. At grabe siyang magserbisyo sa inyo, kahit saan kayo sa Pilipinas dumarating talaga siya,” ani Go.

Nauna nang umapela ang senador sa mga susunod na pinuno ng bansa na suportahan at bumuo ng marami pang programa na ang higit na makikinabang ay mahihirap na Pilipino.

Binanggit din ni Go na mananatili siyang nakatutok sa pagtulong sa gobyernong Marcos sa mga pagsusumikap sa pagbangon sa pandemya hanggang sa ganap na malampasan ng lahat ng Pilipino ang pandaigdigang krisis sa kalusugan.

“Kami ni Presidente Duterte ay patuloy na magseserbisyo sa inyo, kami ni Senator Imee, patuloy kaming magseserbisyo sa inyo dahil para sa amin ang serbisyo sa tao ay serbisyo ‘yan sa Diyos,” paniniyak ng senador.

AUTHOR PROFILE