Bong Go

Bong Go, suportado si FPRRD bilang special envoy sa China

August 3, 2023 People's Journal 185 views

SUPORTADO ni Senador Christopher “Bong” Go ang mungkahi ni Senador Alan Peter Cayetano na italaga si dating Pangulong Rodrigo Duterte bilang special envoy sa China.

Ito ay kung magpapasya si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hirangin ang dating Pangulo sa nasabing posisyon.

Nakipagpulong si dating Pangulong Duterte kay Pangulong Marcos Jr. sa Palasyo ng Malacañang upang i-update ang Punong Ehekutibo sa mga napag-usapan nila ni Chinese President Xi Jinping sa kanyang personal na pagbisita sa China kamakailan.

Binigyang-diin ni Go ang matibay na kaugnayan ni Duterte sa gobyerno ng China at ang kanilang pagtitiwala sa kanya bilang key player sa pamamahala ng mga relasyon sa pagitan ng dalawang bansa.

“I agree with Senator Cayetano. Meron siyang magandang relasyon, maganda po ang kaniyang relationship with the leadership of the Chinese government, si President Xi (Jinping),” sabi ni Go.

“Magkaibigan po sila, magkakaintindihan sila at madali silang mag-usap,” dagdag niya.

Ayon kay Go, ang pagiging mapagkumbaba ni Duterte ay magiging kapaki-pakinabang sa tungkuling ito, lalo sa pakikitungo sa mga kaibigan na maaaring mag-alok ng tulong.

“Alam mo, knowing the former president, nagpapakumbaba talaga siya, lalo na sa mga kaibigan niya na alam niya na tutulungan din siya,” ani Go.

“Nakita n’yo naman nung huling bisita niya sa China, hindi po ako nakasama, siya ay binigyan din po ng panahon ni President Xi na makipag-usap at makipagkumustahan,” sabi pa ng mambabatas.

Iginiit ni Go ang pangako noon ni Duterte na pagtataguyod ng kapakanan at interes ng Pilipinas.

“And I’m sure kung ano ang napag-usapan nila ay isinusulong po ni (dating) Pangulong Duterte kung ano po ang kapakanan at interes po ng ating bayan,” anang mambabatas.

Matatandaang naglabas ng ideya si Sen. Cayetano na italaga si Duterte bilang special envoy ng bansa sa China dahil sa paborableng relasyon ng dating pangulo sa mga awtoridad nito. Iginiit niya na ang kakayahan ni Duterte na makakuha ng pagtitiwala mula sa gobyerno ng China at sa kapwa Pilipino ay angkop sa kanya para sa nasabing tungkulin kung nais ni Pangulong Marcos Jr.

Si Cayetano ay dating kalihim ng Department of Foreign Affairs noong administrasyong Duterte.

Binigyang-diin nina Go at Cayetano na si Duterte ay nananatiling tapat sa Pilipinas at sa kanyang kakaibang estilo ng komunikasyon, naging matagumpay ang dating Pangulo na makuha ang kumpiyansa ng China.

AUTHOR PROFILE