Bong Go

Bong go pinuri PH scientists, medical experts sa mahalagang papel vs COVID-19

March 14, 2022 People's Journal 285 views

IKINATUWA ni Senator Christopher “Bong” Go ang kontribusyon ng mga Filipino genomic sequencing expert sa paglaban sa COVID-19 sa paglulunsad ng University of the Philippines-Philippine Genome Center (UP-PGC) Visayas sa Iloilo City at UP-PGC Mindanao sa Davao City noong Marso 11.

Ang inisyatiba sa pangunguna ng UP-PGC at ng Department of Health, sa pakikipag-ugnayan sa Department of Science and Technology, ay naglalayong palawakin ang biosurveillance capacity ng bansa.

Ang genomic sequencing ay nagbibigay-daan sa mga siyentipiko na maunawaan kung paano nagbabago ang mga virus habang kumakalat ang mga ito, na humahantong sa isang mas mahusay at epektibong tugon.

“Talagang natutuwa akong makasama kayo ngayon upang saksihan ang paglulunsad ng UP-Philippine Genome Centers VisMin. Importante ito dahil gusto nating maging handa sa anumang posibilidad na katulad ng pagsulpot ng mga bagong (COVID-19) variants,” ayon kay Go.

“Dapat tayong manatiling mapagbantay at nakatuon sa pagpigil sa isa pang outbreak bilang karagdagan sa pagtugon sa mga kagyat na pangangailangan na kinakaharap ng ating mga tao,” patuloy niya.

Sinabi pa ng senador na binigyang-halaga ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga gawaing may kinalaman sa agham sa bansa.

Si Go, pinuno ng Senate Committee on Health, ay patuloy na umaapela para sa pagpasa ng isang panukalang batas na naglalayong itatag ang Virology Science and Technology Institute of the Philippines (VIP).

Inihain ni Go noong 2021, ang Senate Bill No. 2155 ay naglalayong palakasin ang kakayahan ng bansa na bumuo ng mga bakuna laban sa mga highly pathogenic na umuusbong na mga virus. Ang panukalang batas, higit sa lahat, ay nagbibigay ng mga patnubay para sa pagtatatag at pagpapatakbo ng testing, reference at biosafety Levels 1, 2, 3 at 4 na mga laboratoryo ng pananaliksik sa buong bansa.

“Ang pag-unawa sa mga pagbabago sa genetic sa viral genome ay kinakailangan para sa isang malakas na tugon sa kalusugan ng publiko sa mga umuusbong at muling umuusbong na mga sakit na viral. Dapat nating ipagpatuloy ang mga pamumuhunan sa mga hakbangin sa pananaliksik sa kalusugan, tulad ng genome sequencing program ng UP-PGC,” diin ni Go.

Naghain din siya ng SBN 2158 na nagtatag ng Philippine Center for Disease Control and Prevention (CDC). Ang CDC ay magsisilbing nangungunang ahensya para sa pagbuo ng mga hakbangin sa pagkontrol at pag-iwas sa nakakahawang sakit. Pangunahing responsable ito sa pagkontrol sa pagpapakilala at pagkalat ng mga nakakahawang sakit sa Pilipinas.

Lubos na pinasalamatan ng mambabatas ang mga siyentipiko at medikal na komunidad para sa kanilang pagsusumikap sa panahon ng pandemya. Binanggit niya ang pagbagsak ng rate ng pang-araw-araw na impeksyon sa COVID-19 bilang pagpapakita ng tagumpay ng programa ng pagbabakuna at iba pang mga hakbang sa kalusugan at kaligtasan na ipinatutupad.

“Hindi natin ito magagawa kung wala ang mga eksperto na gumagabay sa bawat hakbang para masiguro ang lahat ng ating aksyon ay base sa siyensya,” ayon sa senador.

“Nananatiling buo ang suporta namin ni Pangulong Duterte sa inyo at sa lahat ng mga frontliners at mga health workers. Ipagpatuloy lang ninyo ang inyong serbisyo sa ating bayan. Kami ni Pangulong Duterte ay naririto lamang na magserbisyo sa abot ng aming makakaya,” sabi pa niya.

AUTHOR PROFILE