Bong Go nabahala sa pabatang nagkaka-HIV/AIDS
NAGPAHAYAG ng pagkabahala si Senator Christopher “Bong” Go, tagapangulo ng Senate committee on health and demography, sa pagtaas ng kaso ng Human Immunodeficiency Virus at Acquired Immunodeficiency Syndrome (HIV/AIDS) sa bansa.
Mas naalarma si Go sa ulat na dumarami ang nagkakaroon ng nakamamatay na sakit na mga kabataang wala pang kamuwang-muwang sa buhay.
Bagama’t mayroong sapat na pondo upang itaas ang kamalayan at labanan ang pagkalat ng HIV at AIDS, binigyang-diin ni Go na dapat ay higit pang palakasin ang interbensyon o pagsusuri sa mga posibleng kakulangan sa pagpapatupad ng Philippine HIV and AIDS Policy Act.
“Ang apela ko po – bilang chairperson po ng committee on health, at miyembro rin po ako, ex-officio member ng Philippine National AIDS Council – to come up with a strategic plan to address the gaps in the implementation of the HIV law,” ani Go matapos niyang personal na ayudahan ang mga biktima ng pagbaha sa Davao City.
Ayon sa Department of Health, mayroong 1,454 bagong kaso ng HIV na iniulat noong Enero 2023 lamang, o average na 46 bagong kaso bawat araw.
Pero ang lubos na nakababahala, 86 sa mga kasong ito ay mga tinedyer at bata. Sinasabing ang 7 kaso ay iniulat sa mga batang wala pang 10 taong gulang.
“Nakababahala po ito… lalo na ‘yung mga naapektuhan ngayon ay 19 years old and younger. Ang babata pa nito. May less than 10 years old pa na seven cases,” sabi ni Go.
Ayon kay Go, ang gobyerno ay naglaan ng badyet na P1.433 bilyon para sa HIV at iba pang sexually transmitted infections na may P590 milyon noong 2022.
Sa panukalang badyet para sa 2023, nasa P43 milyon ang inilaan sa Philippine National AIDS Council pero itinaas pa sa P52 milyon sa inaprubahang General Appropriations Act.
“May sapat na pondo po na labanan po itong paglaganap nitong sakit na AIDS,” iginiit ni Go.
Sinabi ng senador na dapat maging responsable ang bawat isa sa pag-iingat sa kanilang kapakanan at kalusugan at para sa kalusugan ng kapwa Pilipino.
Nanawagan siya sa gobyerno ng suporta na sikaping labanan ang pagkalat ng HIV at AIDS.
Kaya nga sa hangarin niyang labanan ang iba’t ibang sakit, patuloy na isinusulong ni Go ang pagpapalawak ng healthcare accessibility sa bansa. Bukod sa umiiral na Malasakit Centers at Super Health Centers, aktibong itinataguyod ng mambabatas ang pagtatayo ng mga specialty center sa labas ng Metro Manila, alinsunod sa prayoridad ng kasalukuyang administrasyon.
Ayon kay Go, ang pagtatayo ng mga specialty healthcare facilities ay isa sa pinakaepektibong hakbang upang matugunan ang puwang sa specialized medical services sa buong bansa.
Kabilang ang pagtatatag ng mga specialty center sa health-related legislative agenda na nakabalangkas sa Philippine Development Plan 2023-2028 ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.