Bong Go

BONG GO: MAKAREREKOBER NA TAYO SA PANDEMYA

March 13, 2023 People's Tonight 212 views

OPTIMISTIKO si Senator Christopher “Bong” Go na makarerekober na ang bansa mula sa dulot ng pandemya dahil sa huling resulta ng Social Weather Stations (SWS) survey na 48% ng mga Pilipino ang nagpapakita ng kumpiyansang uunlad ang ating ekonomiya.

“It’s a good sign na optimistic po ang Pilipino. Ibig sabihin, there is light at the end of the tunnel. Nandiyan ‘yung pag-asa na makaka-recover na po tayo mula sa pandemya,” sabi ni Go matapos daluhan ang groundbreaking ng Mati City Super Health Center sa Davao Oriental.

Ang nasabing survey sa 1,200 Filipino respondents ay isinagawa noong Disyembre 10 hanggang 14, 2022. Lumabas din sa survey na 33% ng mga Pilipino ang naniniwalang mananatili ang ekonomiya, habang 9% lamang ang nagsabing lalala ito.

Ang data na ito ay umabot ng isang net economic optimism score (porsiyento ng mga economic optimist na binawasan ang porsyento ng economic pessimists) na +40, isang rate na itinuturing na “excellent” ng SWS.

Nagtala ang Metro Manila ng +47 rate sa net economic optimism, ang pinakamataas sa mga lugar sa bansa, na sinundan ng Mindanao (+45), Balance Luzon (+40), at Visayas (+27).

“Noon po ay maraming nawawalan ng pag-asa, ngayon po (ay) bumabalik na ang sigla ng ating ekonomiya. At ayaw ho nating masayang ang inumpisahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ‘yung mga ginawa po niyang mga hakbang pagdating sa COVID-19 response natin, ‘yung mga proyektong nakatutulong sa mahihirap, at ang mga Build, Build, Build projects na nakatutulong talaga hindi lang po sa transportasyon kundi sa pagbigay ng trabaho at oportunidad sa ating mga mamamayan. The more infrastructure, karagdagang trabaho po ito sa mga kababayan natin,” ani Go.

Pinasalamatan ni Go si Pangulong Bongbong Marcos sa pagpapatuloy ng mga pangunahing programa at mga proyektong pang-imprastraktura na nakatutulong sa Filipino.

Bilang isang mambabatas, nangako siya na patuloy na susuportahan at gagawa ng mga hakbang na magpapabuti sa kalidad ng buhay ng mga Pilipino kasabay ng pagtiyak na walang maiiwan tungo sa pagbangon at pag-unlad.

Si Go ay isa sa mga may-akda ng Senate Bill No. 1594, na nag-institutionalize sa One Town, One Product (OTOP) Philippines Program upang mapalakas ang Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) lalo na sa mga lokal na komunidad.

“Alam n’yo ang MSMEs po ay backbone ng ating ekonomiya. Tulungan po natin ‘yung mga maliliit na negosyante na palaguin ang kanilang negosyo, suportahan po dapat ito ng gobyerno.

Karagdagang negosyo po sa kanila, karagdagang trabaho. At sila po ‘yung mga maliliit na mga negosyante na may mga binubuhay na pamilya rin po. Makatutulong po ito. Importante para sa akin walang magutom, at magkaroon ng trabaho para sa ating mga kababayan,” idiniin ng senador.

Iginiit din ni Go ang mahalagang papel ng mga manggagawang pang-agrikultura sa pagtiyak ng seguridad sa pagkain kaya isa siya sa co-author at co-sponsor ng Senate Bill No. 1850 o ang New Agrarian Emancipation Act, na inaprubahan kamakailan ng Senado.

Layon ng panukala na i-condone ang halos P58 bilyong halaga ng pautang na natamo ng Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) sa pagmamay-aring lupain sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ng gobyerno o mula sa iba pang programa sa repormang agraryo.

Matatandaang ang pagtiyak sa tagumpay ng food security program ng gobyerno ay isa sa mga priority program na binanggit ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA).

“Dahil sa pagbubura sa kanilang utang, inaasahan natin na mas makapagpo-focus sila, ang agrarian reform beneficiaries, with their time and resources sa pagtatanim at pag-aalaga ng mga hayop imbes na problemahin pa nila ‘yung pagbayad po sa mga utang nila. Though, hindi natin masasabi na secured na po ang food supply natin dahil sa pag-condone ng kanilang utang, pero isa itong hakbang para mas makaka-focus na po sila sa kanilang kabuhayan,” ani Go.

“Importante po ngayon dito yung dagdag na suporta po mula sa gobyerno — more agricultural inputs to make them more competitive, enhancing production katulad ng trainings, fertilizers, seeds, equipment, irrigation, farm to market roads, storage facilities, at marami pang iba. Tulungan po natin ang ating local farmers,” giiit niya pa.

AUTHOR PROFILE