Bong Go

Bong Go kampeon ng healthcare

August 28, 2023 People's Tonight 184 views

SA pagpapatuloy na mapahusay ang pangangalagang pangkalusugan lalo sa grassroots, pinangunahan ni Senate committee on health chair, Senator Christopher “Bong” Go ang tatlong pangunahing hakbang upang mailapit ang mga serbisyong medikal ng gobyerno sa mga Pilipinong nangangailangan.

Ang mga ito aya ang Malasakit Centers na nagbibigay ng agarang tulong medikal at pinansyal; Super Health Centers na nakatuon sa pangunahing pangangalaga, maagang pagtuklas, at libreng konsultasyon; at ang bagong isinabatas na Regional Specialty Centers Act, na maglalapit ng espesyal na serbisyong medikal sa mga komunidad sa buong Pilipinas.

Bilang pangunahing sponsor at isa sa may-akda ng RSC Act, taos-pusong pinasalamatan ni Go si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa pagbibigay-prayoridad at paglagda sa panukala bilang batas.

“Ang kanyang suporta ay naging instrumento sa pagdadala ng espesyal na pangangalagang medikal sa ating mga kapwa Pilipino,” sabi ni Go.

Binigyang-diin ng senador na walang Pilipino na dapat maiwanan pagdating sa pag-avail ng healthcare na kailangan para mamuhay nang produktibo.

“Ang bawat Pilipino ay may karapatan sa dekalidad na serbisyong medikal, kahit saan man sila sa bansa,” idiniin ng senador.

Sa bagong batas, magtatayao ng mga karagdagang specialty center sa iba’t ibang rehiyon nang sa gayo’y matiyak na ang mga Pilipino ay magkaroon ng access sa mga espesyal na serbisyong medikal nang hindi na kailangang bumiyahe sa Maynila.

“Sa pamamagitan ng pagtatakda ng mga malinaw na pamantayan, tinitiyak namin na ang mga specialty center na ito ay magkakaroon ng kinakailangang kadalubhasaan at resources upang epektibong matugunan ang mga espesyal na pangangailangang medikal ng mga pasyente sa buong bansa,” paliwanag ni Go.

“Isa pong malaking tagumpay para sa atin ang ganap nang batas na SBN 2212, o ang Regional Specialty Centers Act,” ani Go.

Nakakuha ito ng 24-0 boto sa Senado dahil sa pagsang-ayon ng lahat ng senador na makabubuti at makatutulong ito sa lahat ng mahihirap.

Si Go rin ang utak ng Malasakit Centers na nagsisilbing one-stop-shops sa mga pampublikong ospital para sa tulong medikal at pinansyal mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno. Sa ngayon, nasa 158 na ang operational na Malasakit Centers sa buong bansa.

Pinagsasama-sama sa Malasakit Centers ang mga opisina ng Department of Social Welfare and Development, DOH, Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), at Philippine Charity Sweepstakes Office upang tulungan ang mahihirap na pasyente na mabawasan ang kanilang gastos sa ospital.

Bukod sa Malasakit Centers, isinulong ni Go ang pagtatayo ng mas maraming Super Health Center sa buong bansa, lalo na sa mga kanayunan.

Ang SHCs ay idinisenyo upang tumugon sa pangunahing pangangalaga, konsultasyon, at maagang pagtuklas ng mga sakit. Nilagyan ang mga ito ng mga pasilidad na makikita rin sa malalaking ospital upang makatulong na mabawasan ang occupancy rate sa mga ospital.

“Sa pamamagitan ng Malasakit Centers, Super Health Centers, at Regional Specialty Centers Act, hindi lang tayo gumagawa ng mga polisiya; gumagawa tayo ng mga tulay tungo sa dekalidad na pangangalagang pangkalusugan para sa bawat Pilipino,” ani Go.

AUTHOR PROFILE