Bong

Bong Go: Ingat sa biyahe, alagaan kalusugan ngayong Holy Week

March 26, 2024 People's Tonight 80 views

DAHIL sa tradisyon ng maraming Pilipino na umuwi sa mga probinsya ngayong Semana Santa, pinayuhan ni Senador Christopher “Bong” Go ang mga biyahero na mag-ingat at samahan ng pagmamahal, pakikiramay, at pag-unawa ang kanilang pagninilay.

“Sa mga uuwi sa probinsiya, lalo na sa mga probinsiyanong katulad ko, mag-ingat po tayo sa biyahe,” ani Go bunsod na rin ng mga panganib ngayong panahon, gaya ng fire hazards at health issues na iniuugnay sa mainit na klima.

Naghahanda na ang Manila International Airport Authority (MIA) lalo’t inaasahan ang pagdagsa ng pasahero sa paliparan na aabot sa higit 1 milyon ngayong linggong ito.

Iniulat naman ng Parañaque Integrated Terminal Exchange ang pagtaas ng mga pasahero at inaasahan din ang hanggang 1.7 milyong biyahero sa terminal ngayong bakasyon.

Ipinaalala ni Go na ngayong Fire Prevention Month, dapat tiyaking ligtas ang mga tahanan at iwasan ang mga posibleng pagmulan ng sunog. Huwag din aniyang kalimutan na pangalagaan ang kalusugan ng bawat isa.

“Masarap magbakasyon kung kampante ang ating kalooban at wala tayong agam-agam sa ating mga ari-arian at kalusugan,” paalala ng senador.

Bilang chairman ng Senate committee on health, hinimok din ni Go ang lahat na manatiling ligtas at umapela sa publiko na ipagpatuloy ang boluntaryong pagsusuot ng mask upang maprotektahan ang kalusugan mula sa mga virus tulad ng napaulat na Pertussis outbreak sa ilang lugar.

“Tulad ng lagi kong payo, kung hindi naman sagabal sa inyo, ugaliing magsuot ng mask upang protektahan ang sarili at ang ating pamilya,” apela niya.

Samantala, sa isang ambush interview matapos tulungan ang mga displaced worker sa Ilog, Negros Occidental, sinalamin ni Go ang malalim na sakripisyo ni Hesukristo at ipinaalala sa lahat ang kahalagahan ng panalangin ngayong Kuwaresma.

Binigyang-diin niya na ang panahon ng Kuwaresma ay isang pagkakataon upang ibalik sa Panginoon ang mga sakripisyong ginawa Niya sa pamamagitan ng paglilingkod sa ating mga kapwa.

AUTHOR PROFILE