Default Thumbnail

BOC pinuri ni DOF Secretary Ralph Recto

January 28, 2024 Vic Reyes 94 views

Vic ReyesNAGALAK ang mga opisyal at kawani ng Bureau of Customs (BOC) noong nakaraang Miyerkules, Enero 24, nang dumalaw si bagong Finance Secretary Ralph G. Recto sa aduana.

Ang BOC at Bureau of Internal Revenue (BIR), ay nasa ilalim ng Department of Finance (DOF) na pinamumunuan ngayon ni Recto, isang Batangueno, dating senador at congressman.

Ang BIR at BOC ang pinakamalaking revenue-generating agencies ng gobyerno.

Sa taong ito, ang gusto ni Secretary Recto ay makalikom ang dalawang ahensiyang ito ng P4.3 trilyon revenues.

Ayon sa ulat, P1 trilyong buwis at taripa ang nakaatang na kolektahin ng BOC sa taong ito.

Sa kanilang pulong, ipinangako ni Commissioner Rubio kay Secretary Recto na committed ang BOC na abutin ang nasabing collection target.

Inisa-isa nga ni Commissioner Rubio ang mga inisyatibong gagawin ng mga taga-BOC para makamit ang taget collection.

Ito ay makakamit ng ahensya sa pamamagitan ng “vibrant monitoring and continuous improvement of modernization projects.

“Key among these initiatives is the enhanced value reference information system (e-VRIS), which is a critical risk assessment tool for safeguarding government revenues.” dagdag ni Rubio.

Paiigtingin din ng BOC ang kanilang border control sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa iba’t ibang law enforcement agencies.

Plano pa ng liderato ng BOC na ituloy ang “streamlining and digitalizing customs proceses to faciliate trade.”

Pinuri naman ni Secretary Recto, na isang ekonomista, ang mga ginagawa ng BOC para lalong mapabuti ang serbisyo sa aduana.

Sinabi pa ni Recto na patuloy ang close collaboration ng DOF sa BOC at ibang concerned government agencies.

Talaga namang nasa tamang landas ang BOC at DOF sa gitna ng challenges na kinakaharap ng gobyerno.

Hindi puwedeng magkanya-kanya ang state agencies. Kailangan ang close coordination para magtagumpay ang mga programa.

“Parang mga miyembro ng isang orkestra ang mga ahensiya ng gobyerno, dapat laging sumunod sa kumpas ng orchestra conductor ang mga miyembro.

At ang “conductor” ay si Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.

Kailangan, laging nakatingin kay Pangulong Marcos ang hepe ng mga ahensiya para hindi sintonado ang kanilang tugtog.

Tama ba kami, mga kaibigan?

****

Sa kabila ng iba’t ibang kontrobersiya sa bansa, dapat magkaisa ang mga lingkod-bayan para bigyang solusyon ang mga problemang dulot ng El Nino phenomenon.

Hirap na ang mga magsasaka dahil sa kakulangan ng tubig.

Ayon sa maraming magsasaka, nalalanta na ang kanilang mga pananim dahil sa kawalan ng ulan sa ibat-ibang parte ng bansa.

Halos wala na raw tubig na lumalabas sa mga water pump nila.

Ang pinangangambahan nila ay baka tuluyan ng matuyo ang kanilang mga pananim.

Sana daw ay magtayo na lang ng maraming deep wells sa buong bansa para pagkunan ng inuming tubig at irrigation water.

Kung magpapatuloy ang tagtuyot ay malaking dagok ito sa programa ng gobyerno na magkaroon tayo ng food security.

Mapipilitan tayong umangkat ng pagkain sa mga kalapit na bansa.

Hindi lang mawawalan ng malaking pera ang gobyerno dahil dolyar ang gagamitin nating pambili. Tataas pa ang presyo ng mga bilihin.

Ang masakit, nandiyan pa ang mga tiwaling negosyante, lalo na ang mga walang pusong hoarder at profiteer.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, mag-text sa #0917-8624484/email:[email protected].Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE