Default Thumbnail

Binaril dahil sa limang piso

February 21, 2023 Melnie Ragasa-limena 304 views

BAYARAN mo ako ng limang piso!” Ito ang sigaw ng barker sa driver ng taxi. Ngunit imbes na barya, bala ang natanggap na bayad ng biktima.

Sugatan ang 58-anyos na barker matapos pagbabarilin umano ng taxi driver.

Nanghingi umano ng P5 ang barker bilang bayad sa pagtawag niya ng pasahero sa harapan ng isang ospital sa Quezon City, Lunes ng hapon.

Ang biktima ay nakilalang si Apolo Corpus Vega, 58, barker, at nakatira sa Dorm C Escopa 2, Project 4.

Sugatan din matapos tamaan ng ligaw na bala ang 13-anyos na dalagita.

Sa report ng Quezon City Police District (QCPD) Project 4 Police Station 8, bandang 5:55 p.m. (February 20) nang maganap ang insidente sa harapan ng Quirino Memorial Medical Center (QMMC) sa JP Rizal St., Project 4, sa lungsod.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PCpl Paul Steve T. Adolfo, nakita umanong nagtatalo ang barker at ang ‘di kilalang taxi driver ng EVIROCAB Taxi na may plakang NFC 1658, dahil sa paniningil ng biktima ng P5 para sa pagtatawag ng pasahero.

Umalis ang barker pero pagbalik ay may dala na itong dustpan at nang akmang hahampasin ang sasakyan ay binaril ito ng dalawang beses ng suspek saka mabilis na tumakas patungong C-5 Road, sa Marikina City.

“Barker bale yung nabaril ngayon kumuha siya ng pasahero, sumakay dun sa taxi, hiningian niya ngayon ng limang piso, sabi nung taxi driver huwag kang makulit babarilin kita, ngayon pumunta siya kumuha ng dustpan akmang papaluin niya yung taxi binaril nga siya noong taxi driver,” ayon sa hepe ng QCPD Station 8 na si Police Lt. Col. Leoben Ong.

Sa naganap na insidente ay nadaplisan ng bala sa kamay ang 13-anyos na si Lhiane Montepio Conchada, Grade 4 student, ng Escopa 1, Project 4, na noon ay naglalakad lamang sa lugar.

Agad na isinugod ang mga biktima sa QMMC.

Nagsasagawa na ng manhunt ang mga awtoridad laban sa suspek.