Default Thumbnail

Bilang ng mga purdoy at tambay, natapyasan sa panahon ni PBBM

December 13, 2023 Edd Reyes 150 views

Edd ReyesBAGO pa man ang 2022 Presidential election, kumalat na sa social media ang prediksiyon daw ng French astrologer na si Nostradamus sa pagsilang ng sanggol sa taong 1957 sa lupang Pearl of the Orient na magdadala ng kapayapaan, katarungan at pag-ibig.

Kumalat din na sa panahon daw ng panunungkulan nito bilang pinuno, uunlad sa loob ng apat na taon ang bansa, bagama’t may mga nagsabi na isa lang itong propaganda para sa kandidatura ni Pangulong Bongbong Marcos, bukod pa sa ikinaila ito ng ilang eksperto na sumuri at nagsaliksik sa mga propesiya ni Nostradamus.

Pero kahit pa nga wala ito sa mga prediksiyon ni Nostradamus, umaasa pa rin ang marami na sana’y magkatotoo ito lalu na’t may mga palatandaan sa mga inilalabas na resulta ng pagsusuri ng mga pribadong kompanya at ahensiya ng gobyerno ang pagsigla ng ekonomiya ng bansa, pagbagal ng pagtaas ng pangkalahatang antas ng presyo ng mga kalakal at serbisyo at pagbaba ng bilang ng mga walang trabaho kahit pa nga tumaas ang pandaigdigang inflation.

Maging sa survey ng nangungunang pribadong institusyon na Social Weather Station (SWS) ay malinaw na sinabing bumababa na ang bilang ng mga nagugutom sa bansa na nangangahulugan ng pagkonti ng bilang ng mga purdoy na magandang palatandaan ng paglakas ng ekonomiya at kabuhayan.

Kahit pa nga sabihing milyon pa rin ang bilang ng mga tambay sa Pilipinas, sa pinakahuling pagsusuri naman ng Philippine Statistics Authority (PSA) ay malaki na rin ang ibinawas ng mga walang trabaho hanggang nitong buwan ng Setyembre.

Siyempre, hindi maikakaila na ang ganitong mga palatandaan, ay dahil sa maayos at wastong pagtahak ng direksiyon ni Pangulong BBM tungo sa paglago ng ekonomiya at kabuhayan ng bansa.

Maging ang mga kumukuwestiyon sa biyahe ng Pangulo sa ibang bansa ay natugunan na dahil nakikita na ang resulta ng mga kasunduang pang-ekonomiya at kabuhayan na kanyang pinasok na lilikha ng maraming trabaho.

Malayo pa ang apat na taon sa sinasbing wala sa prediksiyon ni Nostradamus pero kapag nagtuloy-tuloy ang maayos na pamamahala ni PBBM, parang totoo na rin ang propesiya.

Mayor Tiangco, hinamon ang mga Kabesa na lagpasan ang inaasahan sa kanila

HINDI kuntento si Mayor John Rey Tiangco na umagapay lamang ang mga opisyal ng barangay sa mga programang inilalatag ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa panahon ng kanilang panunungkulan.

Sabi ng alkalde, hindi sapat na sundin lang ang mga programa at pamantayan ng DILG kaugnay sa wastong panunungkulan ng mga Kabesa, kundi dapat ay lagpasan ito sa inaasahan ng kanila.

Binanggit ni Mayor Tiangco ang kanyang hamon sa mga bago mga nahalal na opisyal ng barangay na dumalo sa programang Sustainable Management and Administration of Local Government through Reengineering and Use of Technology for Barangay Newly Elected Officials na nahati sa dalawang yugto na ginanap sa Pangisdaan Hall sa Navotas City Hall at ang isa ay sa Suzuki Beach Hotel sa Subic, Zambales.

Sabi pa ng alkalde, hindi sapat ang magkaroon lang ng magandang intensiyon sa paglilingkod, kundi dapat ay matupad ang lahat ng layunin ng bawa’t opisyal ng barangay.

Sa inilunsad na programa, tinalakay ang mga wastong pamamaraan ng paggugugol ng salapi, pagbili ng mga mahahalagang gamit, transparency sa lahat ng gastusin, pati na ang mga umiiral na batas partikular na sa Bawal Bastos Law.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]

AUTHOR PROFILE