Default Thumbnail

‘Big time’ gunrunner, tiklo sa Salawag

June 23, 2023 Anchit Masangcay 250 views

NADAKIP ng pinagsanib na puwersa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Cavite Police Provincial Office (PPO) at Special Action Force (SAF) ang isang Filipino-Indian national na sinasabing “big time” gunrunner sa bansa.

Sa report na ipinadala sa tanggapan ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Benjamin Acorda, Jr., ang 39-anyos na suspek ay naninirahan sa isang subdivision sa Barangay Salawag, Dasmariñas City, Cavite.

Inaresto ang suspek sa bisa ng searh warrant na inilabas ni Judge Charito Macalintal-Sawali ng Tanauan City Regional Trial Court (RTC) Branch 66.

Isinagawa ang operasyon dakong 5:20 kamakalawa ng hapon (Hunyo 22) base na rin sa natanggap na intelligence report ng kapulisan sa iligal na pagmamay-ari ng mga hindi lisensiyadong armas ng suspek.

Narekober ng mga otoridad ang isang 9mm BCG Prosx, 9mm magazine, anim na bala ng 9mm, isang Colt M4 Carbine 5.56mm, M4 carbine, 28 piraso ng bala para sa M4 carbine at isang magazine, samu’t saring mga bala para sa iba’t-ibang kalibre ng armas.

Kabilang rin ang isang STI Duty One Cal.40 Pistol, Glock 21 Gen 4 Cal .45 ACP Pistol, isang M26 fragmentation grenade, Copolla TR-12 12GA shotgun, at isang Glock 43 9mm Pistol.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga pulisya hinggil sa iba pang mga iligal na aktibidad ng suspek at kung may kinalaman din ito sa terorismo.

Sinabi rin sa report na ipinadala rin sa tanggapan ni CIDG chief Gen. Romeo Caramat Jr. na isinagawa ang pagsalakay ng mga operatiba na may mga bodycameras.

Dinala naman sa Southern Police District Headquarters sa Fort Bonifacio sa Taguig ang suspek para sampahan ng paglabag sa Republic Act (RA) 9516 (Illegal Possession of Explosives) at RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).

AUTHOR PROFILE