Default Thumbnail

No. 1 MWP sa Moriones, laglag sa pulisya

June 23, 2023 Jonjon Reyes 292 views

HIMAS REHAS na ngayon sa kulungan ng Manila Police District (MPD) Moriones Police Station (PS) 2 ang isa sa umanong numero unong “most wanted person” o MWP dahil sa kasong robbery with homicide, makaraang isilbi ang arrest warrant nito sa Elcano Street, Barangay 1 Zone 1, Tondo, Maynila, Huwebes ng hapon.

Dahil sa “tip” ng isang impormante, agad nasukol at hindi na nanlaban sa mga operatiba ang suspek matapos itong posasan na siyang “no. 1” na MWP sa station level ng nasabing himpilan.

Batay sa ulat ni Police Lieutenant Colonel Rosalino “Jhun” Ibay Jr., station commander ng MPD PS-2, bandang 1:35 ng hapon (Hunyo 22), nang mamataan ng mga operatiba ang suspek sa nasabing lugar.

Sa pinagsanib na puwersa ng mga kapulisan ng Maynila pinangunahan nina P/Cpt. Roberto Dato, hepe ng Intel and Warrant Section ng PS-2, kasama ang mga tauhan ni P/Lt. Col. Willie Fabros, commander ng MPD PS-1, nang arestuhin ang suspek.

Itinuturo ang suspek sa nangyaring holdapan noong Oktubre 11, 2021 matapos nitong mapatay umano ang isang may-ari ng tindahan matapos nitong barilin sa kahabaan ng Singalong St., Malate, Maynila.

Ang mandamiento de aresto ng suspek ay inilabas ni Judge Maria Paz Rivera Reyes Yson ng Regional Trial Court Branch 54 ng Maynila, Abril 18, 2022.

Ayon naman kay P/Maj. Philipp Ines ng Public Information Office (PIO) ng MPD, dahil sa pinaiiral na programa ng MPD director na si Police Brigadier Gen. Andre P. Dizon ang “Oplan Galugad” at Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operations (SACLEO), pursigido ang pulisya sa operasyon laban sa mga masasamang elemento na kahit kailan ay hindi papayag ang kapulisan sa Tondo na manatiling nakakalaya ang mga wanted sa batas.

AUTHOR PROFILE