Monster

Bida sa ‘Miracle in Cell No. 7,’ kalaban ni Arjo sa pagka-best actor

October 4, 2023 Vinia Vivar 166 views

Larawan ng isang very proud mom si Sylvia Sanchez habang ikinukuwento ang dalawang international best actor recognitions na natanggap ng anak niyang si Arjo Atayde para sa psychological thriller series na Cattleya Killer.

Si Arjo ang idineklarang national winner or representative ng Pilipinas for best actor in a leading role sa gaganaping Asian Academy Awards 2023 sa Singapore sa Disyembre.

Bukod dito ay nominated din siya as best lead actor sa Asian Content Awards (ACA) 2023 na gaganapin sa October 8 sa Busan, South Korea.

Sobrang excited ni Ibyang lalo na nga ang nomination sa Busan dahil first time raw na may na-nominate na Pinoy best actor at idol niya ang isa sa matitinding kalaban ng anak na si South Korean actor Ryu Seung-ryong para naman sa Moving K-drama.

“Isa sa matinding kalaban ni Arjo (sa ACA), natutuwa ako, kasi idol ko rin, si Ryu Seung-ryong, ‘yung lead star ng Miracle Cell No. 7. Ang gagaling ng mga kalaban niya,” proud na sey ni Ibyang nang makatsikahan namin sa red-carpet celebrity screening ng Japanese film na Monster na ginanap last Tuesday sa SM Megamall.

“So, lilipad kami ng Busan, lilipad kami ng Singapore,” masaya pa niyang wika.

Ano ang masasabi niya na napapantayan na ni Arjo ang kanyang mga achievement bilang isang aktor?

“I don’t think na napapantayan niya. Nalampasan na niya ako. Nalampasan na ako ni Arjo. Yes, aminado ako and thankful ako, kasi anak ko ‘yon,” proud pa niyang sabi.

“Natutuwa nga ako ‘pag merong naa-achieve ‘yung mga artista abroad, natutuwa ako para sa kanila. What more kung anak ko? Anak ko ‘yun, eh, ‘di ba?” she added.

Samantala, hindi lang local films ang ipino-produce ng Nathan Films (production film ng pamilya Atayde) ngayon kundi nagdi-distribute na rin ng foreign film at first venture nga nila ang Japanese drama film na Monster.

This time ay kasosyo nila si Lorna Tolentino, na present din sa celebrity screening.

Ayon sa kwento ni LT, binili nila ang Monster nang magtungo sila nina Ibyang at Ria Atayde sa 76th Cannes Film Festival kamakailan at nakita nilang pinipilahan talaga ang pelikula na nanalong best screenplay sa naturang prestihiyosong international filmfest.

Directed by Hirokazu Kore-eda and written by Yuji Sakamoto, umiikot ang istorya ng Monster sa isang pamilya na humaharap sa pagsubok laban sa pambu-bully at isinusulong nito ang kahalagahan ng malusog na pag-iisip o ng mental health.

Bida sa nasabing pelikula ang magagaling na Japanese actors na sina Sakura Ando, Eita Nagayama, Soya Kurokawa, Hinata Hiiragi at Yuko Tanaka.

Mapapanood na ang Monster sa lahat ng mga sinehan sa buong bansa sa Oktubre 11.

AUTHOR PROFILE