Wild

Beterano at A-List Korean actors nagsama-sama sa ‘The Wild’

March 23, 2024 Ian F. Fariñas 82 views

Magsasama-sama ang pinakamatatapang sa Korea para sa isang matindi at makapigil-hiningang aksyon.

Game face on na at maghanda para sa isang ‘di malilimutang intense movie experience.

Panoorin ang The Wild na showing na sa mga sinehan ngayon.

Ang mga A-List at beteranong aktor ng South Korea na sina Park Sung Woong, Oh Dae Hwan, Oh Dal-Su at Joo Seok-tae ay magkakasamang bibida sa isang crime-action movie.

Ang The Wild ay kwento ni Woo-chul (Park Sung-woong), isang dating boksingero na makukulong matapos aksidenteng mapatay ang kalaban sa isang underground arena.

Matapos ang ilang taon, makakalaya si Woo-chul dahil sa ipinakita nitong magandang asal sa loob ng kulungan.

Ngayong nabigyan siya ng pangalawang pagkakataon, plano ni Woo-chul na baguhin ang kanyang kapalaran at kalimutan ang madilim niyang nakaraan para magkaroon ng simpleng buhay.

Pero pipigilan ito ng dati niyang kaibigan na si Do-sik (Oh Dae-hwan) matapos imbitahan si Woo-chul na sumali sa kanilang gang.

Kahit na ilang beses na tinanggihan ni Woo-chul ang panghihikayat sa kanya, hindi nito maiiwasang maipit sa gusot na pinasok ni Do-sik laban sa isang mapagsamantala at corrupt na police detective na si Jeong-gon (Joo Seok-tae) at drug smuggler na si Gak-su (Oh Dal-su).

Sunud-sunod na labanan, away kalye, gantihan, pagbabanta at wantusawang aksyon ang mangyayari, at walang titigil hangga’t walang nasasawi.

Matupad pa kaya ni Woo-chul ang kagustuhan na magbagong-buhay? O hindi na siya makakawala sa mundo ng gang wars?

Mapapanood rin sa The Wild ang rising Korean actress na si SeoJi-Hye, mula ito sa direksyon ni Kim Bong-han, na naging director din ng ilang notable Korean Films tulad ng The Golden Holiday noong 2020 at Ordinary Person noong 2017.

Ibinahagi ng director ang binigay ng oras at dedikasyon sa paggawa ng pelikulang ito, “Sobrang dami ng inilaan kong oras para siguradong magiging pulido ang pelikula.”

Ibinahagi rin niya na gusto niyang bigyan ang mga manonood ng isang Korean noir experience at gawin itong mas nakakaengganyo kaya ginawa niya itong detalyado at punong-puno ng mga nakakabilib na action scene.

“Gusto kong makagawa ng isang Korean noir na mukhang walang puso pero makatao,” saad ni Bong-han.

Mula sa Ascendio., Co. Ltd., JNC Media Group, K-Movie Entertainment at Viva Films, ‘eto ang action-movie event na hindi dapat palalampasin.

Panoorin ang The Wild sa mga sinehan nationwide.

AUTHOR PROFILE