Beks

Beks Battalion, bet gayahin si Vice Ganda… Naghahanap ng katulad ni Ion Perez

May 6, 2023 Ian F. Fariñas 264 views

PAMILYA na ang turingan isa’t isa ng Beks Battalion members na sina Chad Kinis, Lassy at MC Muah.

Katunayan, itinuturing nilang best days ng buhay nila ang pagkakabuo ng grupo nila at ang pagiging successful ng YouTube channel nilang tatlo.

Mula sa pagiging stand-up comics, malayo na nga ang narating ng tatlo sa pagiging sensational online stars, hosts at artista.

Kaya naman wala raw iwanan ang grupo nina Chad, Lassy at MC na ngayo’y bida na sa sarili nilang pelikula, ang dramedy na Beks Days of Our Lives, mula sa Viva Films.

Ang nasabing pelikula na mula sa istoryang binuo at dinirek din ni Chad, ay nagpapakita hindi lamang ng katatawanan kundi ng totoong kahulugan ng pagiging loyal na magkakaibigan.

Sa pelikula man o totoong buhay, talagang swak na swak ang tatlo. Wala silang major away, mapa-pera man o mapa-lovelife.

Ayon kay MC, “Lalaki lang ang hindi namin pagsasalu-saluhan.”

Na sinang-ayunan naman nina Chad at Lassy.

“Wala, magkakaiba kami ng taste,” dagdag ni Chad. “‘Yan ang hindi kami mag-aaway. Hindi kami mag-aaway sa lalaki, sa pera.”

“Sa babae pa siguro!” biro naman ni Lassy, na apat na taon nang may ka-long distance relationship (LDR) sa Saudi.

“’Di ko kaya ‘ata mang-ahas, promise! Kahit wala silang itsura, hahaha! ‘Di ko kaya,” pakwelang hirit naman ni MC.

Sa ngayon, si Lassy lang ang may lovelife. Loveless sina Chad at MC.

“Pinapahinga ko ang puso ko. Eh, minsan nang nabugbog. Nakakuha naman siya nang kaunti lang. Pero matatag pa naman ‘yung savings,” saad ni MC, na aminadong na-sponge bob sa huli niyang seven-year relationship.

Masaya rin sila na laging nandiyan ang kaibigan nilang si Vice Ganda na patuloy silang inaalalayan sa personal na buhay at career.

“Minsan kasi po may makikilala ka pero wala ‘yung kilig. Kailangan may… kahit na anong guwapo, kahit anong ano, pero ‘pag wala ‘yung kilig, tatamarin ka lang din. Kasi nandu’n na kami sa point na siguro na we want… hindi na landi. Gusto namin ano na someone will be there with us na,” paliwanag naman ni Chad.

Parang Ion Perez?

“Oo, parang Ion Perez,” ani MC.

Wish daw nilang magka-lovelife nang tulad kay Vice.

“Oo naman! ‘Yung talagang tatanggapin ka, ‘yung proud na proud sa’yo. Ganu’n. Kasi wala naman sigurong tao na gustong tinatago ka, ‘di ba?” saad ni Chad.

Marami raw advices si Vice sa kanila pero ang pinaka sa lahat ng ito ay, “’Pag happy ka, go! ‘Pag nasasaktan ka na, bitaw na.”

Sinusunod naman daw nila ang payong ito ni Vice.

Anyway, mapapanood na ang kwelang Beks Days of Our Lives sa mga sinehan simula May 17.

AUTHOR PROFILE