Default Thumbnail

Bebot nakitang buhay matapos dukutin sa Bulacan

September 2, 2022 Melnie Ragasa-limena 286 views

ISANG 23-anyos na babae na ilang araw na umanong nawawala matapos na dukutin ng ‘di pa kilalang mga kalalakihan sa San Jose Del Monte, Bulacan ay natagpuang buhay sa parking lot ng SM Fairview sa Quezon City.

Ang biktima ay tubong Negros Oriental at residente ng San Jose Del Monte.

Sa report ng Quezon City Police District (QCPD) Pasong Putik Proper Police Station (PS-16), bandang 11:20 ng gabi (Setyembre 1) natagpuan ang babae na nakatayo lamang sa open parking B ng SM City Fairview Mall sa Quirino Highway, Barangay Greater Lagro, Quezon City.

Ayon kay PSSg. Emmanuele B Guting, imbestigador ng PS-16, nagsasagawa umano ng roving inspection ang security guard ng SM na si Richmond Reyes nang mapansin ang babae na nakatayo lamang sa tabi ng pader sa parking B, kaya pinuntahan niya ito at kinausap.

Sinabi lamang ng babae na dinukot siya sa Bulacan pero hindi nito idinetalye kung iniwanan siya doon o nakatakas siya mula sa mga dumukot sa kaniya.

Iti-turn over naman ng QCPD sa San Jose Del Monte Police Station ang biktima para sa kaukulang imbestigasyon.