Bea

Bea, isa-isang sinagot ang bashers

March 13, 2022 Vinia Vivar 389 views

Isa si Bea Alonzo sa celebrities na talaga namang hindi rin pinapatawad ng bashers. Kung anu-ano na ring akusasyon at hindi magagandang salita ang natanggap ng aktres mula sa mga netizen pero ang maganda sa kanya ay hindi siya masyadong mapagpatol at madalas ay dedma lang siya sa bashers.

Pero sa latest vlog niya ay naisipan ni Bea na sagutin o patulan ang mga mean comments tungkol kanya.

“I normally don’t react to mean comments about me, pero since you requested for it, ’eto na! Pasintabi po, katuwaan lang,” ang paglalarawan ni Bea sa kanyang vlog.

Binasa niya ang mga rude comment tungkol sa kanyang paglipat ng network, sa pakikipagrelasyon, sa pag-arte at iba pang negative issues.

Sa network transfer, heto ang mean comment ng isang netizen: “Ayoko na sa ‘yo. Iniwan mo kasi ang Star Magic after 19 years na inalagaan ka. Nadapa lang ang nag-alaga sa ‘yo, iiwan mo na. Hindi ba pwede na akayin mo para makabangon?”

Sagot naman ni Bea, “Siyempre, alam mo, madali sa ‘tin mag-comment, ’di ba, kapag hindi natin alam ‘yung nangyayari. Well, I acknowledge your comment. You are entitled to your own opinion but that doesn’t make it true.

“Marami pong nangyari at maraming dahilan at lahat kami ay okay. So, sana okay ka rin. Charot!” sabay-tawa.

Tungkol naman sa pakikipagrelasyon, isang netizen ang nag-comment na baka na kay Bea ang mali since parating failed ang mga relasyon niya.

“Uy, sakit naman nu’n,” nakangiting sabi ni Bea.

“Alam mo, baka tama ka, baka may mali sa ‘kin. Kaya nga ngayon, itinatama ko ‘yung mga mali ko. Kasi totoo naman, mayroon talagang akong mga mistake na nagawa in the past. But that doesn’t justify the fact na nasaktan ako. And kung anuman ‘yung mga mali sa akin, itinatama ko. Because it’s all about owning up to your own mistake and striving hard to be on the right track and be a better person,” paliwanag ni Bea.

May isa namang basher na nilait ang movie ng aktres with Aga Muhlach na First Love. Aniya, napanood nito sa Netflix ang pelikula at napakapangit ng story at acting.

Sagot ni Bea, “Ah, pasensiya ka na. Buti na lang hindi ka nagbayad sa sinehan. Pasensiya ka na talaga. Pero kami, nagustuhan namin, pati ‘yung ibang nanonood. Sorry,” sabay-tawa.

Karamihan sa mga negative comment ay nasagot ni Bea nang maayos.

Either dinaan niya sa biro at sa mga tawa o di kaya ay may pahapyaw lang na sarcasm ang sagot. Pero hindi naman siya nagpakita ng pagkapikon kahit sobrang mean na talaga ang ibang komento.

AUTHOR PROFILE