BBM Dinumog ng mga supporters ang University of Eastern Philippines Grandstand sa Catarman, Eastern Samar para marinig ang mensahe ni UniTeam presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. Kuha ni VER NOVENO

BBM boto aabot sa 36.4M

April 8, 2022 Ryan Ponce Pacpaco 355 views

Tatambakan si Robredo ng 19.5M – Pulse Asia

POSIBLENG si presidential front-runner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang kauna-unahang “majority president” sa bansa sa ilalim ng multi-party setup, matapos mapanatili ang malaking lamang laban sa kanyang mga katunggali sa darating na halalan sa Mayo 9.

Base sa resulta ng Pulse Asia survey nitong Miyerkules, nanatiling matatag si Marcos sa unang posisyon matapos makakuha ng 56 percent voter preference.

Nasa malayong pangalawa si Leni Robredo na umiskor ng 24 percent habang si Isko Domagoso ay pangatlo na may 8 percent.

Si Manny Pacquiao ay nakakuha naman ng anim na porsyento habang si Panfilo Lacson ay mayroong 2 percent.

Sa panayam ng SMNI, sinabi ni Ana Tabunda, Research Director ng Pulse Asia, na kung iko-convert ang 56 porsyento ni Marcos sa boto, ito ay aabot sa 36.5 milyon mula sa kabuuang 65 million registered voters sa bansa.

“Well, ngayon lang kami nakakita ng ganyan kalaking lamang sa buong experience namin. Kauna-unahang pagkakataon ito na mayroong nag-majority voter preference na presidential candidate,” ani Tabunda kasabay ng pahayag na kauna-unahan ito sa kasaysayan na napanatili ng kandidato sa pagka-pangulo ang 50-plus voter preference sa buong panahon ng kampanya.

Lamang si Marcos ng 32 porsyento at kung susumahin sa boto, ito ay aabot sa 19.5 milyong boto, o mas mataas pa sa boto na nakuha ni Pangulong Rodrigo Duterte na mahigit 16 milyon noong nakaraang halalan noong 2016, ani Tabunda.

“Yung lamang niya with Robredo 32 percent of 65 million voters sir, mga 19.5 million votes sir,” ayon kay Tabunda.

Nilinaw din ni Tabunda na sa kabila ng pagbaba ng bahagya ng bilang ni Marcos sa kanyang numero ay nananatiling mahirap para mahabol ito ng kanyang mga katunggali.

“Hindi naman po kasi significant yung four percent na decline,” giit ni Tabunda.

“Medyo mahirap po siya (para kay Robredo na humabol), kasi nga po itong huling pagtaas ni Leni ay nine points. Para po makahabol ay kailangang niya ng 16 points tapos kailangang mabawasan si BBM ng 16 points sa darating na araw bago ang eleksyon. Medyo mahirap siya mangyari,” paliwanag pa niya.

“Maaring magbago, ang tanong e kung makakahabol pa. Hindi naman imposible pero medyo mahirap po kasi 32 points yung gap,” ayon pa sa research director.

AUTHOR PROFILE