Batangas

BATANGAS CITY POLICE NAGSAGAWA NG LTOPF CARAVAN

April 14, 2024 Jojo C. Magsombol 69 views

SA LAYUNING mabigyan ng kaalwanan ang mga Batangueno na makapag-apply at makapag-renew ng License to Own and Possess Firearms (LTOPF) at makapagparehistro ng kanilang mga baril, nagsagawa ng dalawang araw na LTOPF caravan ang Batangas City Police Station (BCPS) kamakailan sa Batangas City Sports Coliseum.

Mas pinadali at organisado ang sistema sa pagpoproseso ng mga dokumento kung kayat hindi na kailangan pang pumunta sa Camp Crame sa Maynila o sa Camp Vicente Lim sa Canlubang.

Ang nasabing aktibidad ng BCPS katuwang ang pamahalaang lungsod upang masiguro na nasusunod ang Republic Act No. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Ayon kay PSSg Sor Karlo Ilagan Umali ng Firearms POP Plans/ EMPO/FES PNCO ng BCPS, kung ang isang indibidwal ay may baril, nararapat itong ikuha ng lisensya upang maiwasan ang maharap sa kaso na illegal possession of firearms at upang magkaroon ng mga legal na dokumentong panghahawakan at hindi malagay sa alanganin kung sakaling ito ay gagamiting pandepensa sa sarili.

Idinagdag pa niya na ang naturang caravan ay tugon sa mga mga baril na expired na ang rehistro.

Payo niya sa mga gun owners na paso na ang rehistro na i-surrender muna ang mga expired firearms habang pino-proseso ang mga papeles o dokumento nito.

Ngayong araw na ito, may 124 aplikante ang nagproseso ng aplikasyon para sa gun permit.

Ang mga new applicants ay dumaan sa neuro-psychiatric exam at interview, drug test at gun safety seminar.

Katuwang ng BCPS ang RCSU-4A, na siyang nangasiwa sa encoding validation of accounts and creation habang ang Regional Medical Dental Unit (RMDU)-4A ang in-charge sa screening, neuro exam at interview at ang BPFU-4A naman ang nag conduct ng drug test.

Ang JF gun club ang namahala sa gun safety seminar.

AUTHOR PROFILE