Crime

Babae patay sa 16 na saksak

March 13, 2023 Zaida I. Delos Reyes 570 views

LABING-ANIM na saksak sa leeg at katawan ang tinamo ng isang 22-anyos na babae mula sa kanyang live-in partner na naging sanhi ng kanyang kamatayan nitong Sabado sa Don Carlos, Bukidnon.

Ang biktimang hindi na umabot ng buhay sa Don Carlos Doctors Hospital ay nakilalang si Kimberly Achas, third year college student.

Arestado naman ang suspek na si Elson Erap Jamisula, 27, kinakasama ng biktima, na tinangka pang tumakas matapos ang krimen subalit naabutan ng mga rumispondeng alagad ng batas.

Sa ipinadalang ulat sa Camp Crame ni Police Col. Reynante Reyes, provincial director ng Bukidnon Police Provincial Office, ang insidente ay naganap dakong 3:10 ng hapon nitong Sabado sa bahay ng suspek at biktima sa Purok 9, Poblacion Sur sa Don Carlos.

Napag-alaman na nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang magkarelasyon hanggang sa maging bayolente na ang lalaki at kunin ang sanggol nilang anak sa biktima.

Nang ilapag sa sofa ang sanggol ay saka kumuha ng basag na salamin at pinagsasaksak ang walang kalaban-labang babae.

Matapos ang pangyayari ay mabilis na tumakas ang suspek. Iniwang duguan ang kinakasama at hindi ginalaw ang sanggol.

Nadala pa sa pagamutan ang biktima subalit idineklara itong dead on arrival habang naaresto ang suspek sa follow-up operation.

Napag-alaman na ang suspek ay lango sa ipinagbabawal na gamot.

Nakakuha din ang pulisya ng kopya ng CCTV footage ng insidente na siyang gagamitin sa pagsasampa ng kasong parricide laban sa suspek.

Sa kasalukuyan, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang bigyang linaw ang insidente.