Awra

Awra, hinuli ng mga pulis matapos masangkot sa rambulan!

June 29, 2023 Vinia Vivar 429 views

Umiikot ngayon sa social media ang dalawang videos kung saan ay makikitang tila nasangkot si Awra Briguela sa isang gulo sa Poblacion, Makati na naging dahilan para posasan siya ng mga awtoridad.

Sa unang video ay makikita ng may grupo ng mga kalalakihan na nagsusuntukan at hindi masyadong makita kung kasama si Awra.

Pero maya-maya ay makikita na siyang napadapa sa kalsada at pinipigilan ng isang babae na makisali sa gulo habang nasa paligid naman nila ang mga pulis na tila pinipigilan sila.

Ang nakalagay na caption sa video ay: “Awra Briguela nasali sa rambulan sa Poblacion kaya ayun — pinosasan?!”

Sa pangalawang video ay makikita namang tila inaaresto na si Awra ng mga pulis na pinapalagan ng actor/comedian.

Pero maya-maya ay pinosasan na siya at naputol na ang video.

Diumano, sa harap ng The Bolthole Bar sa Poblacion, Makati City nangyari ang rambulan early Thursday morning.

Wala pang detalye kung ano ba ang pinagsimulan ng gulo pero sa comments section ay may mga netizen na diumano’y nakasaksi ng pangyayari.

Ayon sa kwento ng netizens, na-harass umano ng mga lalaki ang tatlong kaibigang babae ni Awra kaya ipinagtanggol lang ng aktor ang mga kasamahan hanggang sa humantong na nga ito sa rambulan.

Nakausap naman kahapon ng People’s Tonight si Direk Mike Tuviera ng APT Entertainment sa media launch ni Marian Rivera bilang ambassador ng Jeju White Lotion ng BlancPro at sinabi niyang hindi pa sila nagkakausap ni Awra.

“I was just told about it kanina. Mag-uusap muna kami and see what will happen. Kasi nga we do have tapings this coming week so we need to figure out first kung kumusta siya if everything is okay,” saad ni Direk Mike.

Ang tinutukoy niyang taping ay ang game show na “Emojination” hosted by Awra and Maja Salvador na produced ng APT Entertainment at napapanood sa TV5.

Ayon pa kay Direk Mike, kasalukuyan din siyang naghihintay ng update tungkol sa nangyari.

“I’m still being updated with that. Kasi kasama ko si Marian (Rivera) kanina so hindi na kami na-update. But hopefully, right after this, I’ll know kung ano ‘yung status,” pahayag ni Direk Mike.

AUTHOR PROFILE