Arnold

Arnold magsisimula ng therapy at rehabilitation

June 15, 2024 Vinia Vivar 67 views

Kasalukuyang nagpapagaling ang veteran broadcast journalist na si Arnold Clavio matapos maospital kamakailan dahil sa hemorrhagic stroke.

Ayon sa isang health website, “A hemorrhagic stroke is when there’s uncontrolled bleeding inside of your brain itself or in the space between your brain and its outer covering layer.”

Sa Instagram ni Igan last June 14 ay idinetalye niya ang health scare na naranasan.

“Pauwi na ako galing Eastridge Golf Course. Habang nasa biyahe, nakaramdam ako ng matinding pamamanhid sa kanang braso at binti. Di ko na rin maramdaman ang pag-apak sa pedal ng gas at break,” simulang kwento ng broadcast journalist.

“Huminto ako sa isang gasoline station para i-check ang sarili ko. Papunta ng restroom, hindi na ako makalakad. Kailangan ko na may mahawakan. Agad kong tiningnan ang sarili ko sa salamin kung tabingi ba ang mukha ko o maga ang mata ko. Wala naman kaya balik na ako sa sasakyan. At hindi ito naging madali,” patuloy niya.

Nagdesiyon siyang mag-drive patungo sa hospital at nakarating sa Fatima University Medical Center.

“Doon inasikaso ako at after ilang test, lumitaw na ang blood pressure (BP) ko ay nasa 220/120 at ang blood sugar ko ay umabot ng 270.

“Inirekomenda na isailalim ako sa CT Scan. Doon nakita na may ‘slight bleeding’ ako sa kaliwang bahagi ng aking utak. At sa oras na yon, ako ay nagkaroon na ng ‘HEMORRHAGIC STROKE,’” kwento ni Arnold.

Inilipat siya sa St. Luke’s Hospital at dito na itinuloy ang treatment sa kanya.

“ARAL: Feeling ok does not mean youre ok… Feeling good does not mean we’re good… Listen to your body… Traydor ang hypertension! Always check your BP,” ani Igan.

Kasunod nito ay nagpasalamat siya sa Panginoon dahil sa milagrong pagkakaligtas niya.

“Thank you Lord. I personally experienced your MIRACLE,” he said.

Sa ngayon ay out of danger na raw siya, pero patuloy pa rin ang kanyang therapy at rehabilitation.

“Good news, I am out of danger. Sabi nga ni Doc, “no more worries. The worst is over! You’re a lucky man!” Ang kailangang gawin na lang ay mapababa pa ang aking BP at sugar level.

“Day 2 nang una akong makaupo. Pero sandali lang dahil hilo pa ako.

“Mahaba pa ang laban na ito. Ang laking pagbabago sa buhay ko habang nasa ASU. Bawal pa akong tumayo kaya kailangan ko na mag-adult diaper. Di ako komportable kaya inabot pa ng tatlong araw bago ako naka-pupu.

“Para rin akong sanggol na nililinisan at hinihilamusan araw-araw para maging presko ang pakiramdam.

“At may bago pala akong kaibigan — si insulin,” pagbabahagi ni Igan.

“Abangan ang pag-graduate ko sa ASU at simula ng akong therapy at rehabilitation. At sana ang aking kuwento ay makapagligtas ng maraming buhay,” saad pa ng batikang broadcaster.

AUTHOR PROFILE