Default Thumbnail

Ang pagpapasiya

October 29, 2023 Joey C. Papa 239 views

JoeyKAHIT may mga digmaan sa ibang panig ng mundo, dito sa Pilipinas ay tuloy ang saya ng mga kandidato sa halalang pambarangay.

May mga nagsabit pa rin ng poster sa mga kable ng kuryente, sa mga puno, mga malalakas na sound system ng mga kandidato na umiikot sa mga kalye ng kani- kanilang barangay.

Tila pagdiriwang din ng isang pista ng bayan ang naganap sa ilang karatig bayan ng Kalakhang Maynila.

Ngunit napansin kong kahit panay ang kaway ng mga kandidato ng barangay sa isang lalawigan, tila di sila pinapansin ng mga taong kinakawayan nila. Parang hindi sila kakilala ng mga residente.

May narinig akong hindi bobotong mga residente dahil sa kawalan ng magagandang rekord ng mga kandidato. Nawalan na sila ng gana sa pagboto.

At marami nang napaulat na karahasang naganap tulad ng patayan at panununog ng mga paaralang magsisilbing presinto sa araw ng halalan.

Kahit ang mga paaralan ng mga kabataan ay naging biktima ng kasakiman sa kapangyarihang pampulitika.

Halalang pambarangay pa lang yan, ipinakita na ng mga nangangakong maglingkod sa kanilang komunidad ang tunay nilang kulay at layunin.

Hangad ko pa rin na maging mapayapa ang halalan ngayon.

Sa mga kandidatong tapat ang layunin ng paglilingkod, nawa’y gantimpalaan kayo ng tagumpay.

Sa mga walang ginawang maka-mamamayan sa kanilang panunungkulan, alis diyan!

AUTHOR PROFILE