Default Thumbnail

Ang pagbubuwis nang walang representasyon

November 11, 2023 Magi Gunigundo 412 views

Magi GunigundoANG pagbubuwis nang walang representasyon ay paniniil! Ito ang sigaw ng mga kolonista sa Hilagang Amerika kaya sila naghimagsik sa imperio ng Inglatera noon 1776. Walang saysay magbayad ng buwis kung wala kang partisipasyon sa pagbalangkas ng mga patakaran ng pamahalaan na binubuhay ng buwis na iyong pinagpaguran. Ito ang diwa ng Seksyon 9 Artikulo VI ng Konstitusyon at ng RA 6645 at RA 7166. Sa pamamagitan ng resolusyon ng Kongreso na sinisertipikahan na may bakanteng puwesto na kailangan mapunan sa pamamagitan ng isang special election, ang COMELEC ay kailangan magdaos ng halalan sa loob ng 90 araw mula ng magkabakante.

Sa 19th Kongreso, humigit kumulang nagkaroon na ng limang bakanteng puwesto sa Kongreso ngunit sa amin pagkakaalam, iisa pa lang ang naidaos na special election para maihalal ang bagong kinatawan na maninilbihan sa natitirang termino ng namatay, napatalsik o di kaya ay nahirang magsilbi sa ehekutibong sangay ng pamahalaan.

Sa unang taon ng Marcos Jr administrasyon, dalawang kongresista ang hinirang na magsilbi sa DoJ at sa DSWD. Nakapagdaos na ng special election sa 7thdistrito ng Cavite upang hindi mawalan ng representasyon ang mga botante ng distritosa Kongreso. Subalit magpasahanggang ngayon, wala pang idinadaos na special election sa unang distrito ng Valenzuela City. Nananatili pa rin ang isang caretaker na itinalaga upang pamahalaan ang ano mang pondo na nakalaan para sa mga taga unang distrito ng lungsod sa hilagang Metro Manila.

​May nagsasabi na hintayin na lang ang 2025 para magkaroon ng bagong kinatawan ang unang distrito ng Valenzuela City sapagkat magastos ang pagdaraos ng special election at ikalawa, may nalalapitan naman ang mga taga unang distrito sa mga guarantee letters, Tupad, at aocs.

​Magastos kung magastos ang ano mang halalan ngunit bahagi ito ng demokrasya na naniniwalang may representasyon dapat ang distrito kung paano gagastusin ang kanilang binabayad na buwis at boses sa pagbalangkas ng mga batas na apektado ang buhay nila. Bagamat mayroon magkahawig na interes ang dalawang distritong hawak ng caretaker congressman, mayroon din magkaiba, at nakakalamang na ang uunahin ni caretaker congressman ang interes ng sariling distrito bago pa ang distrito na pinapaalaga sa kanya dahil hindi naman siya maiboboto ng mga botanteng distritong pinaalagaan sa halalan.

​Mayroon pang 18 buwan bago ang halalan sa Mayo 2025. Huwag po nating hayaan na walang representasyon ang mga botante ng unang distrito ng Valenzuela City.

AUTHOR PROFILE