Default Thumbnail

YOLANDA

November 11, 2023 Marlon Purification 240 views

Marlon PurificationGINUNITA kamakailan ang ika-10 taong anibersaryo ng pananalanta ng bagyong Yolanda (international name Haiyan) na kumitil sa buhay ng mahigit 6,000 katao at sumalanta ng bilyun-bilyong pisong halaga ng pananim at ari-arian.

Mismong si Climate Change Commissioner Albert Dela Cruz Sr. ang nanguna sa paggunitang ito, kasama ang ilang environment advocate at stakeholders sa pamamagitan ng wreath laying ceremony sa dambana ng pambansang bayani Dr. Jose Rizal sa Rizal Park kasunod ng pagsindi ng mga kandila bilang pag-alaala sa mga biktima ng pinakamalaking sakuna ng bagyo sa kasaysayan ng mundo.

Itinanghal ni Commissioner Dela Cruz ang paggunita upang ihayag sa mundo ang agenda ng Climate Change Commission (CCC) ukol sa climate action at disaster resilience na kumakatawan sa adhikaing maisulong ang mitigation at adaptation bilang pamamaraan ng pagtugon sa climate change bago sa ika-28 Conference of the Parties to the United Nations Framework Convention on Climate Change (COP28) na nakatkdang ganapin sa Nobyembre 30 hanggang Disyembre 12, 2023 sa Expo City Dubai.

Sumama sa aktibidad ang ilang partner ng CCC, kabilang ang Rotary Club of Makati Business District na pinangunahan ng presidente nitong si Maricella ‘Mache’ Torres-Ackerman at ang Brotherhood of Brave Maharlikan (BBM) Tigers na pinamunuan ng bagong national president ng organisasyon na si Apo Musang Abel Macarimpas.

Sa pagbigay-pansin sa COP28 bilang international climate summit na kung saan ang mga lider ng mundo ay nagkakaisa para bumalangkas ng mga solusyon sa mga problemang dulot ng climate change, tinukoy ng opisyal na ang halaga ng pagkakaroon ng isang worldwide platform para sa pakikibahagi at kolaborasyon sa pagtugon sa mga hamong dala ng nagbabagong klima at global warming.

Kalakip sa nabanggit na agenda ng climate action at disaster resilience na isinusulong ni Dela Cruz ang sumusunod:

Adhikain para sa mga community-centered platform na nakasalalay sa edukasyon at partisipasyon nbg kabataan sa climate action at disaster resilience;

Pagbuo ng epektibo, inclusive at accessible na paglalahad ng impormasyon kaugnay ng klima at kapaligiran;

Pagtatag ng mental health support network sa mga kabataan na kalahok sa climate action at disaster resilience;

Pagtatag ng mga resilient community na epektibong makakapigil, makakapaghanda at makakatugon sa mga sakuna aty epekto ng climate change;

Pagtatag ng inclusive, accessible at ligtas na mga lugar para sa lahat ng mga vulnerable sector;

Pagpapatupad ng ridge-to-reef nature-based na mga solusyon na nakaugnay sa kabataan;

Big-yang kapangyarihan ang kabataan na magsagawa ng aksyon at aktibidad tungo sa inclusive, accessible, just at regenerative na sistema ng agrikultura at pamamalakaya;

Bigyang kapangyarihan ang kabataan para isulong ang accessible, just at sustainable renewable energy at aquatic resources;

Palaguin ang partispasyon ng kabataan sa masigasig na partisipasyon sa mga polisiya at programa ng epektibong waste management;

Paglikha ng ligtas at enabling environment para sa mga indigenous people at lokal na komunidad (IPLC) at mga environmental defender sa pamamagitan ng proteksyon at makabuluhang gawain at pagpapalakas ng kultura; at

Pagsuporta sa micro, small at medium enterprises (MSME) na nagsusulong ng eco-conscious na mga pagnenegosyo tungo sa isang circular economy.

Sa ganang akin, napakagandang hakbang ito para mapaghandaan ang mga darating pang pananalanta ng bagyo sa bansa.

Pero bukod sana rito, palakasin din sana ng tanggapan ni Commissioner Dela Cruz ang kanilang panawagan sa mga kapwa opisyales ng pamahalaan na maging sinsero sa pagpapatupad ng maayos at komprehensibong ‘urban planning’ sa bansa bilang bahagi sa adbokasiya sa kontra ‘climate change.’

Tunay na walang makapipigil sa natural na kalamidad — lalo’t kung kasing lakas ito ng bagyong Yolanda — ngunit mababawasan ang problema ng baha at pagkasira ng mga istraktura kung magiging episyente lamang ang ‘urban planing’ ng pamahalaan.

Ang nangyayari kasi, nagiging paulit-ulit ang problema sa baha at puro band-aid solution lamang ang ginagawa at wala talang long term solution plan.