Posas

AMA ‘INASAWA’ ANG ANAK

April 24, 2024 Jonjon Reyes 108 views

ARESTADO ang isang padre de pamilya sa kasong rape matapos umano nitong pagsamantalahan ang kanyang sariling anak sa Norzagaray, Bulacan.

Ayon sa ulat ng National Bureau of Investigation-Violence Against Women and Children Division (NBI-VAWCD), ang suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Anti-Rape Law of 1997 at Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004.

Ang reklamo laban sa suspek ay bunsod ng inihain ng ina ng biktima, matapos ibinunyag ng ginang na ipinanganak niya ang biktima sa kanyang romantikong relasyon sa suspek.

Gayunpaman, inabandona sila ng suspek noong halos tatlong buwan pa lamang ang biktima. Ang suspek ay hindi rin nagbigay ng suporta simula noong sila ay iniwan.

Ayon pa sa ginang, wala rin itong komunikasyon sa suspek hanggang madiskubre na ang dati niyang asawa ay kinontak ang biktima noong unang linggo ng Setyembre noong 2023.

Simula noon, pinayagan ng ginang ang anak na tumira pansamantala sa bahay ng suspek kasama ang live-in partner nito sa maraming pagkakataon mula Oktubre 15, 2023, hanggang Marso 14, 2024.

Sa pamamagitan ng impormasyon na ibinigay ng live-in partner ng suspek, nadiskubre ng ginang ang sexual na relasyon ng anak at dating asawa (suspek) at nag-uupa ito ng bahay upang makasama ang biktima.

Ang alegasyon ay napatunayan sa pamamagitan ng nairekord na phone calls at pag-amin na rin ng suspek sa kanyang live-in partner.

Noong Abril 18, nakatakdang magkita ang suspek at biktima sa Cubao at tutulak sa Bulacan upang doon sila manirahang magkasama.

Dito na tumulak ang mga tauhan ng NBI-VAWCD sa meeting place at palihim na sinundan ang dalawa na nagcheck-in sa isang motel sa Norzagaray, Bulacan.

Agad na inaresto ang suspek habang papalabas sila ng motel.

Ibinunyag ng biktima sa mga operatiba ng NBI na nagkaroon sila ng relasyon ng kanyang ama simula noong huling linggo ng 2023.

AUTHOR PROFILE