Alvarado isinulong matino, epektibong pamamahala

May 2, 2022 Ryan Ponce Pacpaco 130 views

NANAWAGAN si UniTeam Bulacan gubernatorial candidate Willy Sy-Alvarado sa kanyang mga kababayan na tulungan siyang ibalik ang Bulacan sa progreso mula sa coronavirus disease-19 (COVID-19).

“Minsan pa ay sinusuyo ko pong muli ang inyong pagtitiwala, upang ibangon ang ating lalawigan sa pagkakasadlak bunsod ng pandemiya,” ani Alvarado, dating gobernador.

“Hindi upang maitawid ang gutom ng mga naghihikahos kung hindi upang iangat ang antas ng pamumuhay ng ating mga minamahal na mamamayan upang sila’y hindi na magutom kailanman,” ayon kay Alvarado, kasalukuyang bise gobernador.

Nagpahayag din ng pagkalungkot si Alvarado na hanggang ngayon ay hindi pa umano nabibigyang pansin ng pamahalaang panlalawigan ang bantang panganib na maaaring idulot nito sa buhay at ari-arian ng pag-impis ng isang rubber gate ng Bustos Dam na pumipigil sa pag-agos ng tubig mula dam gayong muli na namang sasapit ang tag-ulan.

Gayundin ang suliraning idinulot ng pagkalat ng African Swine Flu (ASF) na sumira umano ng kabuhayan sa babuyan ng mga Bulakenyo na hindi agad nabigyan ng kaukulang atensyon para hadlangan ang paglala ng problema.

Nanindigan rin si Alvarado na dapat pag-ibayuhin pa ang serbisyo ng Bulacan Medical Center na nagkaroon ng kontrobersiya sa kasagsagan ng pandemiya kung saan naghihintay sa labas ng pagamutan ang ilang mga pasyente.

Habang ang mga lalawigan sa Central Luzon ay umigi ang kalagayan ng problema sa COVID-19, sinabi ni Alvarado na nakakalungkot na laging kasama umano ang Bulacan sa National Capital Region (NCR) sa may pinakamaraming kaso.

Idinagdag pa ng dating gobernador na dapat muling maisaayos ang pagtugon sa mga problema ng mamamayan gaya ng COVID-19 pandemic, kalamidad, peace and order, kawalan ng kabuhayan at trabaho.

AUTHOR PROFILE