Eric

Adobong birthday ayuda ni Erik

October 9, 2021 Ian F. Fariñas 382 views

Bahagi ng selebrasyon ni Erik Santos sa kanyang 39th birthday ngayong Linggo, October 10, ang pamimigay ng ayuda sa mga taga-Malabon nitong nakaraang Biyernes, October 8.

Ayaw na sana niyang pag-usapan o idetalye pa kung anong ayuda ang ipinamigay niya pero masaya na raw siya sa ganitong selebrasyon dahil sa pinagdaraanan natin ngayon.

Ang isa pang ikinasaya ring selebrasyon ni Erik sa kanyang birthday ang pamimigay nila ng luto nilang pork adobo sa mga jeepney driver sa Katipunan, Quezon City nu’ng nakaraang Miyerkules, October 6.

Tumulong siya sa kilalang chemist at philanthropist na si Pinky Tobiano sa pagluluto ng pork adobo gamit ang Pinoy pork ng local na backyard hog raisers.

Pagkaluto, siya rin ang naglagay sa mga tub para ipamigay sa mga jeepney driver sa QC.

Bahagi ito ng mga activity ng Grateful Tuesdays ni Chemist Pinky na regular na nagbibigay ng tulong sa mga lubhang naapektuhan ng pandemya.

“Kawawa ang mga jeepney driver, kasi talagang humina ang kita nila nu’ng nagka-pandemic.

“Ang saya nila kapag nabibigyan sila ng konting tulong ng Grateful Tuesdays,” pahayag ni Chemist Pinky.

Nagpapasalamat din siya kay Erik dahil sa tulong nito sa ganitong paraan para ipagdiwang ang kanyang kaarawan.

Solid din ang suporta ni Erik sa campaign ni Chemist Pinky na Support Pinoy Pork.

“Ang tatay ko po kasi nag-aalaga rin ng baboy noon at ito ang tumulong sa aking pamilya.

“Kaya malapit sa puso ko ang masisipag na magsasaka at magbababoy,” pakli ni Erik.

Buo raw ang suporta niya rito at sa iba pang pagbibigay ng tulong ng Grateful Tuesdays na pinangungunahan ng kanyang Achi Pinky.

AUTHOR PROFILE